Mahal na Arsobispo

by Sankage Steno

Nasa tuktok ako ng isang burol sa isang sulok ng Batangas. Nakatutok sa mukha ko ang sikat ng araw. Tanaw ko sa aking harapan ang Isla Verde. Sa kanan ko naman ay naroon ang Maricaban Island at ang Anilao. Mainit at malakas ang hanging nagmumula sa Batangas Bay. Sa likod ko ay may isang kapilya na ginaya sa isang simbahan sa Prague.

Kasalukuyang nagsesermon si Lipa Archbishop Ramon Arguelles. Sa likuran niya ay may nakaupong tatlo pang pari. Hindi naman ako nagrereklamo sa init ng panahon pero nag-init bigla ang ulo ko nang marinig ko ang ilang bahagi ng kanyang sermon.

Sabi ni Most Rev. Arguelles (not his exact words), “Maraming nagpapakamatay na kabataan ngayon dahil kulang tayo sa mga places of prayer.”

Mahal na Arsobispo, iginagalang ko po kayo dahil mas matanda kayo sa ‘kin at mas marami kayong karanasan. Iginagalang ko rin po kayo dahil mataas ang inyong pinag-aralan. Pero, hindi naman po yata valid ang argument ninyo.

Alam ko pong wala kayong pinapatamaang tao sa pagsasabi nyo na maraming kabataan ang nagpapakamatay ngayon, pero obvious namang si Kristel ang nasa likod ng isip nyo. Mawalang-galang na po pero hindi po ako sumasang-ayon sa sinabi ninyo.

Una, hindi tayo siguradong maraming kabataan ang nagpapakamatay sa bansa, o sa mundo. Wala ka namang sinabing datos para patunayan ito. Mali pong i-generalize sa buong populasyon ang iisang example o pangyayari, lalo na sa isyung suicide.

Pangalawa, hindi po ako naniniwalang maraming nagpapakamatay dahil kulang tayo sa places of prayer o simbahan. Kasi po, ang alam ko, halos lahat ng barangay sa Pilipinas ay merong kapilya o simbahan. Hindi po tayo nagkukulang sa mga pook-dalanginan. Pero kung ang tinutukoy nyo pong sanhi ng pagpapakamatay ay ang mababang spirituality ng isang tao, hindi pa rin po tamang sabihin ang sinabi ninyo.

Ang pagpapakamatay po ay isang maselang isyu sa lipunan. Hindi po natin dapat isisi lang sa iisang dahilan o pangyayari kung bakit may nagpapakamatay. Hindi po natin talaga alam kung ano ang nagtutulak para sa isang tao na kitilin ang sarili. At hindi po natin dapat sabihing ang pagpapakamatay ay isang kahinaan o kaduwagan.

Sa’n po kayo mas takot, ang mamatay o ang mabuhay?

Kung susundin po natin ang logic ng sinabi ninyo, pwede ko rin pong sabihin na kaya maraming mahihirap sa Pilipinas ay dahil masyadong maraming magagandang simbahan, tulad na lang ng pinagmisahan nyo ngayon. Sa halip na gamitin ang donasyon sa pagtulong sa mahihirap, napupunta ang pera sa Roma o sa bulsa ng mga pari.

Kung susundin po natin ang logic ninyo, pwede ko rin pong sabihin na kaya maraming nagpapa-abort at namamatay na nanay sa panganganak ay dahil pinipigilan ng Simbahang Katolika ang pagpapatupad ng RH Law.

Naiintidihan nyo po ba ako, Mahal na Arsobispo? Alam ko prerequisite sa pagpapari ang Philosophy. Nag-aral po ako ng Logic under Philo nung college. Siguro naman po nag-aral din kayo nun. Siguro naman po mas matalino kayo sa akin. At kahit po absent kayo nung tinuro ang logic, siguro naman po meron tayong common sense. Tama?

Image