Sa’n ka sa Holy Week?

by Sankage Steno

Parang equated agad sa out-of-town vacation kapag dumarating ang Semana Santa. Na-defeat na yung purpose na kaya nga may mahaba-habang bakasyon e para sa paggunita ng mga Kristiyano sa pasyon ni Hesu Kristo. Anlabo lang.

Hindi mo naman masisi ang mga tao kasi yun na nga lang ang libre nilang oras, maliban na lang syempre kung nag-aaral ka pa at mas mahaba ang bakasyon. Sigurado akong puno na naman ang Boracay, Puerto Galera, Sagada, Baguio at lahat ng mga sikat na tourist spots sa bansa. Tiba-tiba na naman ang tourism industry.

Ako, uuwi lang ako sa ‘min sa probinsya at dun magninilay-nilay, habang tinitiis ang init at pinipilit libangin ang sarili sa pagkabagot. Baka umilaw din ako sa prusisyon sa amin. Nakalakhan ko na kasing gawin yun. Sasama ko na lang yung mga kapatid ko. Sarap din kasing maglakad sa gabi na hawak na kandila.

Para sa ibang wala pang alam na gawin o puntahan ngayong Semana Santa, meron akong mga walang kwentang naisip na baka may kwenta sa ‘yo. Try mo lang basahin at baka makinabang ka naman kahit papa’no.

  • Umakyat sa bubong ng bahay. Pwede sa umagang-umaga o yung papagabi na. Linisin mo yung mga kalat, lalo na yung sa alulod. Baka may mapulot ka pang magarang bagay. Swerte mo rin kung maganda view sa taas. Gudlak lang sa pagbaba. Mas nakakatakot yun kesa umakyat.
  • Magtago sa ilalim ng kama. Suyurin mo yung mga alikabok at agiw sa ilalim. Magdala ka ng flashlight. Baka makakita ka gamit mong matagal mo nang hinahanap. Swerte kung may pera ka pang mapupulot. Ang masaya dyan, ‘pag may dumating na pinagkakautangan mo, alam mong ligtas ka.
  • Magbunot ng puting buhok. Hindi mo naman kailangan humanap ng lolo o lola. Marami na ngayong bata ang may puting buhok. Alukin mo sila ng serbisyo mo. Ako dati 25 cents kada puting buhok. Kumita ka na, na-relax ka pa. Very therapeutic ang gawaing ito, parang fishing.
  • Magbungkal ng lupa. Nung bata ako, ‘pag wala akong magawa, naghuhukay ako sa bakuran namin. Iniisip kong may treasure sa ilalim ng lupang kinatatayuan ng bahay namin. Ang pinakamahalagang nahukay ko e isang basag na tasa na inisip kong galing sa sinaunang Tsina. Yung hukay mo, pwede mo ring pagtaniman.
  • Matulog sa ibang lugar. Iba yung pakiramdam pagkagising mo, kung sakali mang makatulog ka at hindi mamahay. Minsan magugulat ka pa kung asang lugar ka. Pwede rin namang ‘wag ka sa kama mo matulog. Dun ka sa sahig o sa sofa. Basta ibahin mo lang. May makukuha kang cosmic enlightenment pagmulat mo.