Laslas LSS

by Sankage Steno

Nagawa ko na ‘to dati e, uulitin ko na naman? ‘Wag na lang. Hindi ko lang maiwasang i-blog talaga kasi panahon na ulit ng eleksyon at laganap na naman ang noise pollution sa paligid.

Naglalakad ako kanina papasok ng opisina. Dumaan ako sa isang barangay sa looban ng Makati papuntang BGC. Dun sa kalsadang nilalakaran ko, may may batang lalaki na nagtipon. Palibhasa e bakasyon na, puro laro na lang muna sila. Kainggit. Ta’s nung paglagpas ko sa kanila narinig ko yung isang bata.

Kumakanta s’ya ng jingle sa TV ad ng isang senatorial candidate. Hindi ko na lang babanggitin yung pangalan. Basta ang ginawa ng bata, iniba n’ya yun lyrics nung kanta at ginawang pang-asar dun sa kalaro n’ya.

Nagawa ko na rin nga ‘to noong presidential election sa blog ko sa Multiply. Yung lyrics ng kanta ni Manny Vilaar na Dagat ng Basura e pinalitan ko at ginawa kong Tunay na Mayaman kasi ang claim ni Villar noon e “tunay na mahirap” daw s’ya. Ako na lang tuloy ang nag-claim na mayaman. Arte n’ya e, di naman umepek. Talo pa rin.

Yung ginawa ng bata kanina na pinalitan ang lyrics ng kanta e ginagawa rin ng mga kandidato, lalo na sa lokal na level. Kukuha sila ng sikat na novelty song at papalitan yung lyrics para gawing angkop sa kanilang pangangampanya.

In other words, ninanakaw nila yung kanta at inaangkin.

Kung sa academic world, plagiarism ‘yun. Sa music industry, copyright infringement. Tama ba? O basta ‘yun na ‘yun. Basta ninakaw yung intellectual property. I’m sure hindi man lang sila nagpaalam sa record company ng kanta o dun sa singer o sa composer o sa songwriter. Mga pulitiko talaga.

Ang isa pang nakakainis, kapag umuuwi ako sa amin sa probinsya ng weekend, magigising na lang ako tuwing umaga hindi dahil kusang nag-pump ang katawan ko ng dopamine o cortisol kundi dahil sa daraang sasakyan na may nakakabit na megaphone at speaker, at todo-todo ang patugtog ng campaign jingle.

Mas gusto ko pang magising sa old songs na pinapatugtog ng lola ko tuwing Linggo kesa d’yan sa mga substandard na kanta na bukod sa nakakairita e napakatindi ng recall sa utak kahit ayaw mong ma-recall s’ya. Buti nga hindi pa ‘ko umaabot sa point na gusto kong maglaslas para lang matanggal ang kanta sa utak ko.

O.A.

E kung silang nagpapatugtog na lang kaya ang laslasin ko nang matigil na ang pagkakalat nila ng basura? Pwede.