Lintik na Code of Ethics

by Sankage Steno

Sa lahat na yata ng natutunan ko nung college, yung journalist’s code of ethics (CoE) ang pinakamahirap i-apply sa totoong buhay. Makailang beses na ‘kong nasaktan, nabigo, napahiya, nalungkot, nagalit, atbp., dahil lang sa pagpipilit kong sumunod dito.

May ilan akong karanasan sa mangilan-ngilang taon ko pa lang na pagiging journalist. Magkukwento lang ako ng lima dahil ‘pag sinabi ko lahat, baka maging libro na ‘to. Baka rin di na ‘ko makapag-blog bukas. Juice ko po!

Case # 1

I shall not violate confidential information on material given me in the exercise of my calling.

Nung nagtatrabaho pa ‘ko sa TV, may mga impormasyon akong nakukuha sa mga sikat na personalidad na sinasabi nila sa ‘kin pero ayaw nilang ipaalam sa publiko. Ba’t mo pa sinabi sa ‘kin kung ayaw mo namang ipaalam sa iba? Jusme.

Siguro Freudian slip lang o dahil naipit/nabigla sa tanong ko minsan kaya nila nasasabi. E yun pa naman ang masarap ibulgar sa publiko. Pero syempre, shut up ako sabi ni CoE.

Case # 2

I shall not commit any act of plagiarism.

E pa’no ‘yun? Di ka naman pwedeng maglagay ng proper citation sa dyaryo o magazine tulad ng ginagawa sa thesis. Mahirap pa minsan kasi wala talagang laman yung istorya at kailangan mong pumiga sa ibang source.

Syempre nilalagay ko naman sa quotation marks ‘pag di ako nagsabi. Binabanggit ko rin yung pinanggalingan ng information as much as possible. Nakakairita lang minsan kasi nagmamadali ka na nga dahil sa deadline mo, kokonsensyahin ka pa ng intellectual property achuchuchu.

Case # 3

I shall not take unfair advantage of a fellow journalist.

Kasama ba rito yung mga bloggers? Nakakairita kasi sila talaga minsan, as in! Pupunta lang minsan sa event o press conference para manginain o manguha ng freebies. Hello? Mahiya naman kayo. Kung pwede ko lang agawin yung mic sa inyo para di na kayo makapagtanong, ginawa ko na.

At yung mga photographers, mga ate at kuya, kailangan talaga boxing ang labanan kapag nagpi-picture? Wala naman akong choice kundi makipagbalyahan din minsan para makakuha ng magandang anggulo. Sorry sa mga nasaktan o natabingan ko, pero ‘wag n’yo naman akong bulyawan, itulak, apakan o hampasin kapag nahaharang ko kayo. Kasalanan ko bang matangkad ako at cute? Sus!

Case # 4

I shall not let personal motives or interests influence me in the performance of my duties; nor shall I accept or offer any present, gift or other consideration of a nature which may cast doubt on my professional integrity.

Nung minsan pagka-cover ko ng isang event sa Maynila, binigyan ako ng sobre. Pagkasilip ko, may lamang P5,000. Bumalik talaga ako agad para isoli. Ibigay mo na lahat ‘wag lang pera at sexual favors.

Sabi ko sa nagbigay, “Hindi ako tumatanggap. Saka turo sa ‘min na bawal tumanggap.” Sagot n’ya, “Sabi sa ‘min dapat daw magbigay ng token sa reporter.” Sabi ko, “Hindi talaga pwede. I appreciate it pero di ko pwedeng tanggapin. OK na ‘tong press kit.”

Inaamin ko, mahirap sa ‘kin gawin ‘yun kasi kailangan ko rin ng pera nung time na ‘yun. Ta’s lahat pa talaga ng pinagkwentuhan ko nun, isa lang ang sabi sa ‘kin: “Ba’t di mo tinanggap?!” Sorry naman.

Case # 5

I shall accept only such tasks as are compatible with the integrity and dignity of my profession, invoking the “conscience clause” when duties imposed on me conflict with the voice of my conscience.

Pinapagawa ako ng article about sa isang local candidate. Malinaw ang instruction sa akin: interviewin ko daw at sulatan ng feature article “para matulungan siya ng mga kababayan… na manalo bilang (local position).”

Syempre sabi ng konsensya ko, “Dapat ko bang gawin ‘to?” Nagtanong muna ako at sinabi kong baka taliwas ito sa core values ng kumpanya. Di ko na sinabi yung tungkol sa CoE. Alam mo sabi sa ‘kin? “Bayad ‘yan… Kailangan kumita ng dyaryo natin…”

E ano pang magagawa ko dun? Ang hirap sa kaloobang sundin talaga. Ang masaklap pa nito, pinagbintangan pa ‘kong namimili daw ng istoryang isusulat, pati lahat ng mga “pagkakamali” ko noon inungkat pa. Ang liit-liit na nga ng sweldo, ganito pa ‘ko tatratuhin? Buti na lang cute ako, kundi baka nawalan na naman ako ng trabaho.

To be continued? (Oo, question mark talaga.)