Tropang Trumpo

by Sankage Steno

Wala naman sigurong aangal nang matindi kung sabihin kong ansarap-sarap maging bata. Kung meron man, baka abused sila nung maliit pa sila, so it’s not their fault. I forgive them.

‘Pag summer talaga kasi nagkalat na yung mga bata sa kalye mula umaga hanggang gabi. Kanina nga habang papasok ako sa office, yung araw-araw kong nilalakaran na barangay e may mangilan-ngilang bata na naglalaro ng trumpo. Yung isang pares nagkokonyatan. Kawawa nga yung batang taya e.

Trumpo ang uso ngayon, pero baka sa isang buwan teks/baraha naman o holen o goma. Nakakatuwa kasi kahit may iPad na, may XBox, may PS4, etc., e meron pa ring naglalaro sa labas ng mga ganitong laruan. Nung isang gabi nga, pauwi na ‘ko, meron pang nagmamataya-taya saka patintero. Ansaya lang.

So imagine mo naman akong naglalakad tapos napapanood ko yung mga bata, tapos sa loob ko e ansaya-saya ko lang kahit ako lang ang nakakaramdam nun, or so I think. Syempre pinipigilan kong ngumiting mag-isa dahil baka may makakita. Baka isipin pedophile ako. Pedo agad?

Hindi ko alam kung sa’n ako pinakamagaling pero sanay akong magtrumpo, teks, goma, holen, patuan, taguan, patintero, mataya-taya, moro-moro, piko, gagamba, luksong baka, luksong tinik, bahay-bahayan, atbp.

Gusto kong lumalaban ng teks dati, so baka dun ako dabest. Favorite ko rin yung patintero, o harangang-taga sa ‘min. Gusto ko ang taguan ‘pag di ako yung taya. At like ko ang moro-moro ‘pag maraming kasali.

May isa pa ‘kong gustung-gustong ‘laro,’ yung pagpapalipag ng saranggola. Dati kasi sa ‘min pagkatapos mag-ani sa bukid, dun kami nagpapalipad. E ngayon inabandona na yung bukid, talahiban na lang. Ta’s yung iba naman naging subdivision na. Yung bunso kong kapatid ngayon dumadayo pa sa kabilang bayan para makapagpalipad ng saranggola.

Ang hirap pa nito, maraming kable ng kuryenta na nakakabit sa poste kaya delikado ring magsaranggola. Pero mapipigilan mo ba ang mga bata? Oo, pero tatakas ‘yan. Parang ako noon. Tumatakas kami ng kapatid ko tuwing tanghali para manghuli ng tutubi. Hindi kami natutulog dahil ayaw namin talaga. Pero ngayon, kami naman ang naghahanap ng tulog.

Baligtad na ‘no? Kaya nga sabi ko sa ‘yo e ansarap maging bata.