Walang kuryente

by Sankage Steno

Alam mo naman siguro ang pakiramdam ng walang kuryente sa bahay, di ba? Ta’s idagdag mo pa na summer ngayon at wala ka man lang electric fan, let alone air conditioner. Patay na. Pasakit masyado. Parang mahal na araw ulit.

Ngayon isipin mong araw-araw, nawawalan ng kuryente sa bahay mo o sa opisina. Isipin mo mga 6 o 8 o 10 hours walang power EVERYDAY. Itapat mo pa na tanghali o gabi me brownout. Hindi ka makatulog o makapagsiesta. Puyat ka na nga, mainit pa ulo mo.

Well, ganito lang naman ang nangyayari sa Mindanao ngayon. Ewan ko nga kung ba’t di sya masyadong nababalita samantalang ‘pag sa Metro Manila, mawalan lang sandali ng kuryente, dami ng nagrereklamo. Headlines agad. Madalas nga sinasabi pa kung kelan mawawalan ng kuryente.

Ngayon nga lang naka-aircon o naka-electric fan, nagrereklamo pa ‘ko sa init, ‘yun pa kayang brownout? For sure away na ‘to o gulo, mamili ka sa dalawa. Makanti mo lang ako, bubulyawan na kita. At wala munang lambing-lambing! Ang bumangga, giba!

Kawawang Mindanao.

Akala mo kahirapan lang at terorismo lang ang problema. Ngayon dinagdagan pa ng brownout. At ‘wag din nating kalimutan na dinadaanan na sila ngayon ng malalakas na bagyo. Di tulad ng dati na Visayas at Luzon lang ang puntirya lagi ng mga delubyo. Nagbago na talaga ang panahon ngayon.

Ang laki pa naman ng potential ng Mindanao para maging economic powerhouse ng bansa. Ngayon pa lang e ito na ang nagsu-supply ng marami sa pagkain natin gaya ng prutas at gulay, pati na rin kape. Marami rin ‘tong idle lands na pwedeng i-develop. E ang kaso, walang pumapansin. Magulo kasi.

Kundi man masolusyonan ‘to agad ng pamahalaan, sana man lang dagdagan pa ng media ang coverage sa parteng ito ng bansa. Hindi ‘yung puro sa Metro Manila lang ang balita. Di naman buong Pilipinas ang Maynila. Saka kawawa ‘yung mga kababayan natin dun sa south. Laking perwisyo kaya ng brownout.

Pero mas malaking perwisyo ‘yung nagdurusa ka na nga, wala man lang pumapansin.