Second Collection

by Sankage Steno

Nabalitaan mo ba ‘yung latest SWS survey tungkol sa pagbaba diumano ng mga Katolikong nagsisimba at ‘yung halos isa sa sampung Pilipinong Katoliko na gustong tumiwalag sa kanilang relihiyon? Kung hindi pa, aba’y ‘wag magpahuli; click mo na ito saka ito.

Syempre sumagot na rin ang ating mga butihing bishops. Sabi nila, “unbelievable” daw ‘yung survey kasi pa’no daw mangyayaring kumokonti ‘yung mga nagsisimba e lagi raw puno ang mga simbahan. Isa pa, nagpapatayo pa raw ngayon ng mga bagong simbahan sa ilang lugar sa Luzon. So pa’no nga naman nasabing nababawasan ang mga Katoliko?

Para sa iba pang detalye, narito ang nasabing balita.

May dalawang pari na rin ang nagpahayag ng kanilang kuru-kuro hinggil sa usaping ito. Sabi ni running priest Fr. Robert Reyes, “boring” daw kasi ang mga sermon o homily ng mga pari kaya iniisip ng mga tao na boring din ang Diyos, e priest-centric pa naman tayong mga Pinoy.

“Liturgies are rather bland and boring, and if the Liturgy is bland and boring, we have to wonder whether God is bland and boring. It has nothing to do with God; it has a lot to do with priests,” wika ni Reyes.

Sumang-ayon naman si Monsignor Sabino Vengco. Ang sabi pa niya, hindi raw naibibigay ng ilang pari ang kailangan ng ibang parokyanong nakikinig sa kanilang mga sermon.

“The way they preach is rather boring and not up to the demands of the listeners. So when it comes to preaching, that is one very negative factor. But we do have good preachers,” sabi ni Vengco.

Dagdag pa ni Reyes, malaking factor din daw ‘yung madalas na pagpa-fund raising ng mga simbahan na nauuwi sa second collection bago matapos ang misa. Nate-turn off daw dito ‘yung mga tao, lalo na kapag ‘yung pari e puro donation ang pini-preach.

Narito pa ang ibang dahilan kung bakit bumababa ang bilang ng mga Katoliko:

  • Reason over religion – mas nagiging kritikal na raw ngayon ang mga Katolikong Pinoy,  sabi ni Carlos Celdran.
  • Charismatic groups – mas masigla raw kasi ang mga kanta at mas mahuhusay ang mga pastor sa mga ganitong grupo, dagdag pa ni Vengco.
  • Sex abuses ng mga pari – kasi nga nababalitaan ng mga tao sa media ‘yung mga kabalastugan ng ibang pari, dagdag naman ni Reyes.

Ito pa ang mga dahilang naisip ko at hindi nila nabanggit:

  • Mayayabang na pari – marami akong kilalang ganito; ang ilan pa sa kanila, chauvinist, patriarchal at fundamentalist. Akala nila, porke nagmamano sa kanila ang mga tao, mataas na sila sa lipunan. Nakakalimutan nila ang virtue of humility.
  • Elitist na simbahan – napakalaking contrast ng ilang simbahan sa bahay ng mga parokyano nila; sobrang lalaki at gaganda ng simbahan, samantalang barung-barong lang ‘yung sa mga nagsisimba. At ‘wag na nating pag-usapan pa ang sa Roma kung saan napupunta ang ilang donasyon ng mga Katoliko.
  • Pro-rich – taliwas sa turo ng Diyos at ni Kristo, mayayaman talaga ang maraming pari at mas pinapaboran ng ilan sa kanila ang mayayamang parokyano. Naman, e magkano ba babayaran mo para makapagpari? Saka marami sa kanila de-kotse at de-aircon ang mga kwarto sa kumbento.
  • Disconnect – dahil nga mayaman sila, puro lalaki at walang sariling pamilya (except sa mga may inanakan), hindi maka-relate ang maraming pari sa domestic life, sa pangangailangan ng mahihirap, sa relasyong mag-asawa at sa marami pang bagay sa mundo at sa buhay ng ibang tao, pero kung makapagbigay sila ng advice, akala mong alam nila lahat ng tama.

Kaya umaasa akong mapanindigan ni Pope Francis ang kanyang pagiging pro-poor. Sana hindi siya magpadala sa pulitika ng Roman Curia, sa grandiose ng kaniyang posisyon, sa kinang ng Vatican at sa mga materyal na yaman ng mundo. Sana talaga maibalik niya sa tunay na landas ang mga paring “naliligaw ng landas,” bago ang mga parokyano.