layag

by Sankage Steno

Piratang lumisan sa iyong baybayin,
Tangan yaring yaman ng aking damdamin.
Naglayag sa dagat na puno ng laya
Kulang man sa dunong na mapagparaya.

Sa lalim at lawak, bagot na kung minsan
Maaalala ka sa ‘king panagimpan.
Habulan sa lupa, sa isip ay bakas
Muling tatanggapin, lakas para bukas.

Sa tagal ng lakbay, puso ay napagal;
Nalito, napagod, tila hinihingal.
Kakapit sa layag ng aking pag-asa
Upang ang hangin mo’y muling matamasa.

Nais kong liparin ng iyong pag-ihip;
Dalhin sa malayo kung saan ka silip.
Mangyari sa akin itong pagbulusok,
Tulad sa agilang gutom at mapusok.

Ngunit sa lupa ka at ako sa tubig
Na kung magkatagpo at makapagniig
Ay laging may bayo, laging may salpukan;
Ako’y isang alon, ika’y buhanginan.

Muling magbabalik sa dalampasigan
Mong inasam-asam. Pinanghinayangan.
Bitbit ang pangarap sa aking laylayan:
Ika’y maging akin bago pa lumisan.