Dear Janine

by Sankage Steno

The official unofficial statement to the Janine Tugonon issue.

Tangina naman, Janine, ganun na lang? Janine, five years! Itatapon mo lang lahat? Hindi mo na ba ‘ko pwedeng bigyan ng isa pang pagkakataon para maayos ko ‘to?

Alam ko hindi ako ganun kagwapo kung ikukumpara kay Danny. Rocker sya, matalino lang ako. Mestiso sya, para lang akong ibinilad sa araw. Matangkad sya, matangkad ka pa sa ‘ken. Malakas ang dating nya, ako malakas lang kumain. Pero minahal kita, Janine. Mahal na mahal.

Tagos sa buto ang pag-ibig ko sa ‘yo. Sa tagal nating nagsama, ngayon ka pa nauntog sa pader? Dapat pala sinunod ko na noon pa ang sinabi sa akin ng mama ko, na ibili kita ng matibay na helmet at ipasuot sa ‘yo para hindi ka matauhan. Sabi ko sa mama ko, “Ma, true love needs no helmet.”

Tinawanan n’ya lang ako habang pinapakintab ang helmet na regalo sa kanya ni papa nung nililigawan pa lang sya nito.

Janine, why are you doing this? Ganun mo ba kagustong lumayo sa akin para gawin mo pa ‘to? Dati naman kahit hindi ako nagdi-deodorant o nagsesepilyo, umaakbay ka pa rin sa akin, niyayakap at kini-kiss mo pa ako nang buong lambing.

Nang magkalakas ako ng loob nung anniversary natin, tinanong kita, “Ja, pa’no mo natitiis na yakapin at halikan ako kahit may anghit ako o halitosis?” Tandang-tanda ko pa ang sagot mo sa akin. Sabi mo, “Kasi mahina pang-amoy ko. Kaya nga pharmacy ang kinuha ko at hindi culinary arts e.”

Ang saya ko noon. Napakasuwerte ko kasi nakatagpo ako ng isang babaeng maganda na, maganda pa ang kalooban. Pero bakit parang nagbago ka na lang bigla ngayon? Isang tweet lang sa ‘yo nung Danny na ‘yan, tinuka mo na agad? Samantalang ako, nagtanim, nag-ani, nagbayo at nagsaing na lahat-lahat para lang mapasagot ka, tapos ang reply mo pa sa akin, “K.”

Nagduda pa ako kung tayo na talaga. Pero pinaniwala mo akong mahal mo rin nga ako dahil sa mga paglalambing mo sa akin. Bakit hindi ko na maramdaman iyon ngayon, Janine?

Ako bang problema?

I loved you at your worst, kahit wala ka pang make-up at hindi naka-stiletto. At binalewala mo lang lahat ‘yon. And Danny… that Danny? I think he loved you at your best, ngayong beauty queen ka na. Hindi ba nya ka-tweet si Miss USA kaya ikaw ang napagtripan nya? Di ba libog lang ‘yan?

I’m so sorry kung may pagkukulang man ako sa iyo. Alam ko nung una pa lang, nagkulang na talaga ako sa Growee at sa Hiyas Papaya, pero pinunan ko naman ‘yun ng pagiging witty ko. Lagi naman kitang napapatawa, di ba? O baka pati iyon, peke rin? Pinagpraktisan mo lang ba ako ng iyong showbiz smile at plastic laughter?

Janine, mahal mo pa ba ako?

Kasi mahal na mahal pa rin kita… at ang sakit-sakit na.