Brother, Brother

by Sankage Steno

Una, sina Tamerlan and Dzhokhar Tsarnaev.

Sumunod naman sina Nestor and Tomas Velasco.

Siguro mas pamilyar ka dun sa dalawang nauna kesa dun sa dalawang sumunod. Ang Tsarnaev brothers ang tinuturong suspek sa pambobombang nangyari sa Boston noong isang linggo. Tandaan, suspek. Hindi pa natin nasisiguro kung sila nga ang gumawa ng krimen, at kung sila nga, hindi natin alam pa ang motibo.

Ang Velasco brothers naman (not sure kung may relation sa PGT contestants) ay hindi mga suspek. Bahagi sila ng armed security ni Mayor Ruth de Lara Guingona, asawa ni dating VP Teofisto Guingona at nanay ni Senator TG Guingona III, na “in-ambush” ng NPA nitong weekend lang sa Misamis Oriental.

Tatlo sa kanila ay patay na. Ang natitira na lamang na buhay ay si Dzokhar, na nahuli na rin ng mga pulis matapos ang isang linggong matinding drama sa Boston. Para sa dagdag na impormasyon, basahin mo na lang dito at dito.

Ayokong pag-usapan masyado yung tungkol sa balita. Gusto ko lang sabihin na naaawa ako sa kanila. Hindi yung awa na, “Kawawa ka naman. Buti na lang wala ako sa posisyon mo.” kundi yung tipong “Bakit ganon? Sayang. Sayang.”

Naaawa ako kasi buhay yung nawala. Somehow, sa cycle ng buhay kung saan may minamahal ka at may nagmamahal sa ‘yo (not necessarily romantic) ay may naputol o nahinto. Malay ko sa relasyon ng Velasco o Tarnaev brothers, baka nga lagi silang magkaaway dati, pero I’m sure kahit hindi verbal, may affection at care sila sa isa’t isa.

Think of Mario and Luigi, o Sasuke and Itachi, OK fine, pati na rin ang Super Twins. Pasensya na napaka-immature ng mga example ko. Pero try to get the picture. Isipin mo kung anong klaseng relasyon mayroon ang magkakapatid na nabanggit ko. And then tingnan mo kung anong klaseng relasyon meron ka sa (mga) kapatid mo.

Kung wala kang kapatid, think of someone na ka-close mo at tinuturing mong parang tunay na kapatid. Or think of David and Jonathan from the Bible.

I won’t say I have a perfect relationship with my siblings. Madalas kaming mag-away lalo na nung maliliit pa lang kami. Madalas kaming magkasamaan ng loob at magkasakitan. Hindi lang verbal minsan ang away; minsan physical na talaga. Pero ganun talaga. Wala naman sigurong magkapatid na hindi nag-away.

Pero kahit na nagkakaaway kung minsan, subukan mo lang awayin ang kapatid ko, sigurado susugurin kitang hinayupak ka. I’m sure ganun din magiging reaction mo kapag may sumalbahe sa iyong kaputol/utol. I think it’s instinctive. At gaya nga ng nabanggit ko kanina, andun yung cycle of affection and care (and love) na totoo.

Hindi ko alam sa mga magkakapatid na nagkakasiraan dahil sa pamana ng magulang, pero alam ko sa sarili kong hindi ko hahayaang masira ang relasyon ko sa aking mga kapatid nang dahil sa pera o kahit ano pang dahilan. Sila ang una kong kalaro sa mundo. Matatapos muna ang laro ng buhay bago kami magkawatak-watak.