Delayed

by Sankage Steno

Hindi ako buntis, gago. Nasabi lang na delayed, preggy agad? Di ba pwedeng irregular lang? Siraulo. Yes, galit na galit talaga. Pero wala akong ginamit na exclamation point, ha? Baka magtampo ka naman bigla. Hindi ako seryosong galit, dismayado lang kasi nga delayed.

Ano ngang delayed? Pang-apat na beses ko nang nasabi yung “delayed” (panlima na) in two paragraphs (including the title) pero anlabo pa rin. Napakaadik lang magsulat. Ayus-ayusin ko nga. Wait lang, hihinga lang ako nang malalim… Ayan, tengkyu so mats.

Ne-delay (pang-anim) kasi yung sweldo ko sa isa ko pang trabaho… again. Oo, hindi ito ang una o pangalawang beses na na-late ang bigay sa akin ng sweldo. Well, hindi pa nga nabibigay, baka next week ko pa malaman. At, oo, marami akong trabaho, dalawa, kasi mababa lang ang sweldo ko sa isang trabaho. Pero minsan nagiging tatlo o apat ‘yan.

Raketero e.

Ayun, sumama loob ko kasi nasayang ang pamasahe ko sa pagpunta sa opisina para i-check ang tseke ko, ta’s malalaman ko na lang na wala pa pala. Anliit na nga ng bayad, may tax pa, ta’s ngayon, wala pa. Ansakit-sakit sa alak-alakan. Nakakapanlumo. Ang mas masakit pa, nade-delay (pampito) sila ng bayad, hindi naman nade-delay (pangwalo) trabaho ko.

Buti na lang at may natitira pa ‘kong pera. So tipid-tipid na lang muna. Baka hindi na muna ako manood ng Iron Man 3 o It Takes a Man and a Woman kasi mahal ang sine. Hintayin ko na lang sa uTorrent, saka ko pipiratahin. ‘Wag mo na lang akong isumbong sa Optical Media Board o sa MMDA. MMDA?

Para lalong makatipid, hindi na rin ako mamamasahe sa pagpunta at pag-uwi ng trabaho. Sayang din yung dose pesos sa aircon na bus o dyis sa ordinary bus. Gigising na lang ako nang maagang-maaga at maglalakad, sa gitna ng init, papunta sa work. Ta’s ganun din pag-uwi.

Sana hindi ako ma-heat stroke.

Baka hindi na rin ako mag-almusal. Magda-diet na rin ako sa gabi, so lunch na lang talaga ang kakainan ko. Sayang din yung P100 na matitipid ko. Syempre wala na ring merienda. Mandadaot na lang ako sa mga officemates ko na may pagkain. Magpapaka-PG muna ako hanggat di dumarating yung sweldo ko.

Sana hindi ako magka-ulcer.

At bilang huling remedy, magbebenta ako ng laman. Magkano ba presyuhan ngayon sa laman? Sayang din yun, kahit pangkape man lang sa umaga. Mairaos lang. Tutal, wala namang kita sa pagsusulat, idadaan ko na lang sa laman. Juicy pa naman ‘to at siguradong fresh na fresh.

Problema ko na lang e magandang location.