Kasama Ka Rito

by Sankage Steno

Para sa mga nagbabanat ng buto at kumakayod ngayon kahit Mayo uno, ako’y sumasaludo. Para sa mga nag-aaklas para sa karapatan ng mga manggagawa, kaisa n’yo ako sa diwa. Para sa mga hindi makaalpas sa kahirapan dahil sa maliit na sahod, nasa inyo ang aking panalangin.

Para sa mga inaabuso o minamaltrato ng mga amo o kapwa-manggagawa, ako’y nakikisamo. Para sa mga binawian ng buhay habang naglilingkod at nagpapakahirap, ako’y nakikiramay. Para sa mga walang mahanap na trabaho o pinagkaitan ng pagkakataon, ako’y umaasa.

Para sa mga nakalimot na sa tunay na dahilan ng kanilang pagpapakasakit sa trabaho, bulong ko ay paglingon sa pinanggalingan. Para sa mga pilit isinasawalang-bahala ang katiwalian, pandaraya at panloloko sa hanapbuhay, hiling ko ay katapatan. Para sa mga nilamon na ng bulok na sistema, hamon ko’y bagong buhay.

Para sa palipat-lipat at hindi makatagal sa iisang trabaho, pahiram ko ay pasensya. Para sa mga kakaalis lang sa kanilang hanapbuhay, bilin ko ay mabuting pagpapasya. Para sa mga naghahanap ng matino at mahusay na manggagawa, payo ko ay pagsipat.

Para sa maghahanap o naghahanap ng mapapagkakitaan, pakimkim ko ay gilas. Para sa nagnanais makapangibang-bansa, pabaon ko ay swerte. Para sa nagtatrabahong may kaakibat na panganib, dalangin ko ay kaligtasan.

Para sa nag-aaral o nagpapakadalubhasa para sa magandang trabaho, ako’y nakikiisa. Para sa nawawalan ng ganang maghanapbuhay, nais ko sa iyo ay sigla. Para sa diinadapuan ng sakit dahil sa hirap o pagod sa pagkayod araw-araw, panambitan ko ay magandang kalusugan.

Para sa paulit-ulit ang ginagawa sa trabaho at nababagot na, bahagi ko’y pagkamalikhain. Para sa nasa malayo o sa ibayong-dagat nakikpagsapalaran, ako’y nangungumusta. Para sa nagnanais sumubok na magtayo ng sariling pagkakakitaan, ako’y humahanga.

Para sa nangangarap, naghihintay ng pagkakataon, sumusubok, nabigo, nagtitiis, nawalan na ng silbi, bumabangon, walang tigil sa pagbabanat ng buto, nagsusumikap, lumalaban, sumuko na minsan o susuko pa lamang, nakatagpo, naglilingkod, sinuwerte, nakabinbin, pinaasa, pinangakuan, kumikita at di kumikita…