Minsan May Isang Kilig

by Sankage Steno

Nasa isang parte ako ng Metro Manila buong araw dahil sa isang assignment. May ininterview akong personality na talaga namang outstanding ang pagkatao. Ibang level na syang mag-isip dahil sa dami ng kanyang natamo sa buhay. In layman’s term, ang gusto ko na lang sabihin sa kanya na hindi ko masabi ay “Ikaw na!”

Tinanong ko sya kung pa’no sya napunta sa propesyon nya ngayon, samantalang iba ang tinapos nyang kurso. Edi mega kwento naman sya, at nalibang naman ako kahit medyo may mga technical terms syang binabanggit na hindi ko masyadong maintindihan. Basta ang ending, napunta sya roon kasi andun yung gusto nyang gawin.

Ta’s tinanong ko sya kung ano ang nakikita nyang future para sa sarili at sa kanyang kumpanya. Ang sabi nya, hindi raw nya pangarap na maging super yaman. In other words, hindi sya kasama sa mga bitter-bitteran na hindi nakasama sa Top 10 Richest Man/Woman in the Philippines.

Para sa kanya raw, ang profit ay hindi lang basta pera. Kino-consider din nyang profit yung mga taong natulungan nya, nabigyan ng trabaho, nakakakain ng tatlong beses isang araw dahil sa trabahong naibigay nya, or simply those people that he taught “how to fish.”

O, di ba, nakaka-touch?

Akalain mong may mga kapitalista palang may puso? Pero di rin naman sya nagpapaka-ipokrito to claim na hindi nya kailangang mag-profit o kumita. Syempre kasama na yun, kasi negosyante sya. Pero, yun nga, mas goal nya ang matulungan ang ibang taong makamit ang sarili nilang pangarap o matupad kung anuman yung dinadalangin nila araw-araw.

What noble intentions.

Halos mangiyak-ngiyak na nga yung kasama kong photographer sa kwento nung ininterview ko. Ako naman, naantig din naman ang aking damdamin. Sa katunayan, napaisip ako, kaya ko ba ‘tong ginawa ng taong ‘to? Alam ko kaya ko e. Pero anyare sa ‘kin? Bakit parang na-trap na ‘ko sa kinalalagyan ko ngayon? Eto na lang ba ang kaya kong gawin? Asan na yung “yabang” levels ko nung college at early post-college years?

Ayun, ta’s alam ko talaga in a normal situation, may kukurot na sa dibdib ko lalo pa’t ang gaganda ng sinasabi ng kausap ko. E ang kaso, I wasn’t in a normal situation. Gustung-gusto ko talagang marinig ang advocacy at philosophy in life nung kausap ko. Alam kong marami akong matututunan sa kanyang experiences. Pero hindi ko magawang “mag-fall” nang tuluyan sa mga sinasabi nya.

Alam mo kung bakit?

Hindi naman sa hindi ako naniniwala sa pinagsasasabi nya. May mga naiinterview akong gusto ko na lang supalpalin ng malaking “WEH?” pero di kasama yung nakausap ko kanina. Feeling ko naman e sincere sya at talagang mabuting negosyante o visionary.

Kaya hindi ko makuhang maantig at mapukaw nang tuluyan ay dahil sa aking pantog na walang pinipiling oras o lugar. Leche. Kahit ano pang ganda ng palabas o pangyayari, kapag naiihi ka talaga e waepek lahat ‘yan. Sayang ang moment. Bwisit na pantog. Alam mo yung pinipigilan kong huwag kiligin dahil nakakahiya sa kausap ko?

Natutunan ko nga sa aking paglaki ang pigilan ang aking pag-ihi, pero hindi ko naturuan ang pantog kong manahimik in times of touching, extraordinary or special moments.Ā