Habang Nakukulta ang Utak, Tingnan Mo Sila

by Sankage Steno

Naghihilik nang malakas ang isang kasama mo sa trabaho. Hindi mo alam kung dala lang ba ng pagod o dahil sa likas na may katamaran. Sa isang bahagi naman ng silid ay tanaw mo rin ang isa pang katrabahong naglalaro lang sa Facebook. Ito ang klase ng mga taong tumatagal at kumikita nang malaki.

Pero hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay natutulog o naglalaro lang sila. Kung minsan, nanonood din naman ng pelikula. At hindi basta classic films o yung gawang Pinoy. Madalas, Hollywood sya o kaya naman e mga romantic flicks. Yung tipong ang bida ay si Heath Ledger nung kabataan nya o si Amanda Bynes nung matino pa pag-iisip o si Freddie Prinze Jr. nung hindi pa sya laos.

But wait, there’s more.

Hindi naman lahat ng kasama mong manggagawa ay nakukuntento lang sa pagtulog, paglalaro o panonood habang “nagtatrabaho.” Ang iba sa kanila, kinakalantari ang amo. Yung tipong may secret affair. Kunwari secret, pero open secret talaga. Akala nila sila lang ang may alam, pero ang totoo ay kalat na ang baho nila sa lahat, maging sa mga taong hindi nakakakilala sa kanila.

Ito ang uri ng mga manggagawang tinaguriang pag-asa ng bayan dati. Sila ngayon ay kumikita nang malaki at nagtatagal sa trabaho.

Saglit lang. Kung sa tingin mo ay tapos na itong litanya, nagkakamali ka. Hindi lang sa pakikipagrelasyon sa boss o ang pag-aalay ng laman sa mga taong nakapangyayari ang nangingibabaw na gawain sa isang pinagtatrabahuhan. Oo, nangyayari talagang nakikipagtalik ang isang empleyado sa amo para sa pansariling interes, pero hindi lang iyon ang kaya niyang gawin.

Kaya rin niyang mang-ahas, mang-unggoy, magpakahunyango at mam-bully. Ito ang mga kahayupang likas na katangian ng mga taong natukoy ko sa itaas. Kaya niyang traydurin ka, lokohin ka, magpakita ng iba’t ibang kulay para liluhin ka at siraan ka upang tuluyan mong ikabagsak.

It’s a matter of survival.

Ito ang isang bagay na hindi masyadong naituro sa mga paaralan. At paano nga ba ikaw makakaligtas sa mga ganitong pagkakataon? Habang ikaw ay nagpapakaabala sa pagtatrabaho nang maayos, habang iniisip mo kung paano mapapagbuti ang gawain, habang nakukulta ang iyong utak sa mga tinatrabaho, ang ilang kasamahan mo ay nagpapakaligaya.

Tanong ko sa kanila ang tanong din ni Gaara, “When did you forsake yourself?