Paalala Ngayong Eleksyon

by Sankage Steno

Bukas ko na lang sasabihin kung sinu-sino ang mga iboboto kong senador. Hindi ko na ilalahad pa yung local candidates ko kasi hindi naman tayo magkakaprobinsya lahat. Uunahin ko na ngayon yung mga tips ko for voters para sa ating nalalapit na halalan.

Syempre, vote wisely, pero kailangang ipaliwanag natin kung ano ba ang ‘wisely,’ kung pa’no ito mangyayari at kung sino sya. Sino?

Lagi pong tandaan na sa halalan…

  • Hindi mo kailangang punuin lahat ng posisiyon. Kung sa tingin mo ay isa lang ang karapatdapat na maging senador, edi isa lang ang bilog na kulayan mo. Huwag ipilit kung hindi mo talaga makumpleto ang 12 dahil marami ang tiwali o bobo o walang alam o maitim ang kulay ng balat. (May discrimination dapat?)
  • Karapatan mo ring hindi bumoto. Kung sa tingin mo ay kalokohan lang ang pagboto at wala rin namang nababago sa ating lipunan, edi huwag kang bumoto. Pero kung sakaling magloko at mangurakot ang mananalong kandidato (which, for sure, ay meron kahit di ka bumoto), wag kang aangal kasi di mo naman ginamit ang karapatan mo.
  • Hindi dapat ibenta ang boto. Hindi ko sinasabing huwag mong tanggapin ang pera. Pwede mo syempreng kunin at ibulsa tapos iboto mo pa rin yung gusto mo. Mautak, di ba? Pero dapat handa ka ring tanggapin ang karmang kapalit nito. Kung hindi ka naniniwala sa karma, lagot ka sa konsensya mong hindi ka papatulugin gabi-gabi dahil sa pagtanggap mo ng pera. Kung wala kang konsensya, saludo ako sa ‘yo.
  • Kilalaning mabuti ang mga kandidato. Lahat sila ay hindi perfect. Lahat may dark side. Pero piliin mo naman yung matino at hindi immature. Yung matalino at hindi yung walang alam sa buhay. Yung mabuti at malinaw ang programa para sa bayan, hindi yung alam mong magpapayaman lang. Yung maganda o gwapo… ang kalooban. Pero meron ding maganda/gwapo na, mabuti pa. Achib yun!
  • Bawal uminom. Oo, alam ko. Na-move yung liquor ban ng Sunday at Monday, kaya pwedeng-pwede pa tayong magpakabangenge ngayong weekend. Sige, sulitin na natin. Woooh! Pero pagdating ng halalan, bawal ang may amats, bawal ang basag, bawal ang may hangover. Mahalaga ang boto mo. Sana naman pahalagahan mo.