Don’t Date a Blogger

by Sankage Steno

Mananawa ka sa iba’t ibang kwento. Andami nya kasing alam. Lahat may comment, lahat may suggestion, lahat may istorya. Kahit yung billboard sa kanto, may masasabi yan. Kahit yung nagwawalis sa gilid ng daan, may puna yan. At kahit yung mga paninda sa bangketa, naku, may say pa rin sya.

Ang masama pa nito, kung anu-ano na nga tumatakbo sa isip nya, hihingan ka pa ng opinyon. Gugustuhin pa rin nyang marinig kang magsalita at magkwento. Style nya yun para kumuha ng idea sa ‘yo. Ayaw nyang sya lang ang laging nagko-contribute sa usapan. Dapat may alam ka rin. Obligado kang mag-share.

Marami syang tanong. Bakit tiktilaok sa Tagalog ta’s cock-a-doodle-doo sa  English? Bakit dapat may difference pa yung ng at nang? Kapag ba inihian mo ang alcohol, dudumi yung alcohol o lilinis yung ihi? Bakit bahaghari ang tawag sa bahaghari, makulay ba talaga ang bahag ng isang hari? Sa’n matatagpuan ang “Dyan lang” at “Kahit saan”?

Ta’s kapag sinubukan mong sagutin yung mga tanong nya, may follow up question lagi. Hindi sya madaling i-convince. Kailangan backed by facts yung sasabihin mo o witty. Kapag wala sa dalawa, magkaka-dead air o awkward silence. Kung di man yun, for sure e pipintasan ka nya. At di ka dapat mapikon.

Andaming laman ng utak nya, pero hindi naman nya kayang gawin lahat ng alam nya. Sasabihin nya kung pa’no mag-breastroke, pero kahit sya di nya magawa perfectly. Tuturuan ka nyang magluto, pero yung luto nya mismo hindi naman kasarapan. Sasabihin nya sa ‘yo kung pano maglaro ng DOTA, pero lagi naman syang napapatay ng kalabang hero.

Wag na wag mo syang palalaruin ng casual games. Yang Candy Crush? Tuturuan ka nyang makalagpas sa isang level, pero pag sya na gumawa, fail naman. Magagalit pa kasi isang jelly na lang yung natira. Yang 4 Pics 1 Word, kunwari alam na alam nya yung salita, nasa dulo daw ng dila, pero hindi naman masagut-sagot yung pinapahulaan.

Kapag nagta-travel naman sya, andami ring nasasabi sa mga napupuntahang lugar. Nakarating lang sa beach, ligayang-ligaya na. Kala mong first time nakakita ng dagat. Kung anu-ano pang comparison ang sasabihin. Na kesyo mas maganda sa Boracay, mas tahimik sa Bantayan, mas sosyal sa Bohol, etc., etc. Yung iba naman dun sa sinasabi nya, narinig lang din sa iba o kaya e nabasa somewhere. Di nya talaga experience.

At higit sa lahat, honest sya. Kung ayaw nya sa suot mo, ipapamukha nya sa ‘yo. Kapag magulo o maingay o mainit o mabaho yung napuntahan nyo, sasabihin nya yun kahit may makarinig pang ibang tao. Kapag may napanood kayong palabas na substandard o walang sense, pipintasan nya to the highest level of levels. At kapag sinabi nyang gusto ka nya, pasensyahan na lang, gusto ka talaga nya.