The Best Time to be Filipino

by Sankage Steno

Dalawang dates lang ang pumasok sa isip ko agad. Una ay noong proclamation ng independence natin sa Kawit, Cavite in 1898 at noong mapatalsik si Marcos dahil sa People Power Revolution sa EDSA in 1986. ‘Yun lang.

Pinakamalapit na siguro in recent history e ‘yung EDSA Dos noong 2001, ‘yung pagkapanalo ni PNoy sa 2010 elections (pero more on dahil natanggal na si Gloria sa pwesto) at ‘yung mga times na nananalo si Pacquiao sa kanyang mga laban. Pero malayung-malayo sila kung ikukumpara sa unang dalawa kong nabanggit.

Now is not so good a time na maging Pilipino. After ng results ng huling elections, sobrang nanghina ako dahil andami pa ring political dynasties na naghahari. Bukod d’yan, naluklok pa rin sa pwesto ang mga kahindik-hindik na nilalang sa bansa natin, gaya ng asawa ng isang diktador (Imelda), isang mandarambong (Erap), isang pekeng pangulo (Arroyo), mga kamag-anak ng mamamatay-tao (Ampatuan), atbp.

Marami pa ring mahihirap sa Pilipinas, ayon sa huling ulat ng NSCB, samantalang yumayaman lalo ang mayayaman na. Kontrolado ng iilang pamilya (hindi lang sa pulitika) ang malalaking negosyo sa bansa. Kahit marami sa populasyon natin ngayon ang nasa “sweet spot” o working age, kakaunti pa lang din ang middle class. Karamihan poor.

Tayo na lang din yata ang bansang may mga rebeldeng komunista pa rin kahit matagal nang nasugpo ang communism sa maraming parte ng mundo. Bukod pa d’yan, laganap pa rin ang terorismo sa bansa dahil sa Abu Sayyaf. At kahit may kaunting progress, hindi pa rin permanente ang kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at ng MNLF.

Idagdag mo pa d’yan ang pambu-bully sa atin ng mga kapitbahay na bansang may mas malalaking ekonomiya at mas powerful na sandatahan lakas. O.A. na talaga ang panghihimasok ng China sa teritoryo natin, pati na rin ang di ko maintindihang bugso ng damdamin ng mga Taiwanese.

Culturally, we are so friendly and hospitable lalo na sa mga foreigners na it’s almost to a fault. Kahit singkong duling gagastusin mapasaya lang ang bisita. Grabe rin tayong tumanaw ng utang na loob. Kulang na lang isanla ang kaluluwa para lang makatanaw nito. Hobby na rin yata natin ang ‘wag sumunod sa batas, particularly ‘yung traffic laws.

At eto pa, masyado tayong regionalistic. How so? Mas uunahin pa nating sabihin na Bisaya tayo kesa Pilipino. Mas uunahin pa nating ipakilala ang sarili na Bikolano kesa Pilipino. Mas nauuna pa ang pagiging Bulakenyo, Kapampangan, Ilonggo, Waray, etc., kesa pagiging Pilipino. Sa Hawaii nga, ‘yung mga Pinoy du’n, ayaw nilang tinatawag ang sariling Pilipino. Mas gusto at mas tama sa kanilang tawagin na Ilokano.

For sure malulungkot ang mga idol ko ‘pag nalaman nila ‘to. Baka bumangon muli sa hukay sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini at marami pang mga sinaunang Pilipino na talagang makabayan. Pero habang di pa sila bumabangon, I’ll just continue enjoying my time as a Noypi.