Opening of Class Speech

by Sankage Steno

Dahil overrated na ang mga graduation speech, minabuti kong mag-deliver ng sariling speech ngayong pag-uumpisa ng klase.

Grade-conscious ako nu’ng bata pa lang, kahit naman ngayon kung may grade lang ang pagtatrabaho, pero inis ako sa mga mas grade conscious pa sa ‘kin — ‘yung mga taong hindi lang gustong makakuha ng mataas na grade, gusto pa nila e bumaba ‘yung score mo kaya hahanapan nila ng mali ‘yung gawa mo.

Sinasabi ko na sa inyo ngayon pa lang, marami ring ganyan sa labas ng school. In fact, mas marami, mas cunning, mas wily at mas creative sa paghahanap ng kamalian mo para hindi ka ma-promote, para hindi ka ma-regular o para hindi tumaas ang sweldo mo. Marami n’yan sa industriya, ‘yung pababagsakin ang kumpanya o negosyo mo. Nagkalat sila.

Noong nag-aaral pa lang ako, hinahayaan ko lang sila sa ginagawa nila. Kahit bumaba score ko, okay lang, dahil ang mahalaga, natutunan ko ‘yung lesson. ‘Yun naman talaga ang purpose ng exam at quiz, di ba? Kaya kebs na lang sa mga nagpapababa ng grade ko. Pero it’s a different game pagdating sa real world.

Hindi pwedeng manahimik ka na lang dahil, for sure, magiging prolific sila. Dadami silang parang mga ipis at daga sa inyong bahay. Kung hindi mo sila lalasunin o lalatagan ng patibong para mahuli, sooner or later, maghahari sila. But I’m not saying na lasunin o bitagin mo nga ‘yung mga taong ganun; there are creative ways to fight them.

Number one: Pwede mo silang sagutin o i-confront.

Hindi confrontational ang mga Pilipino, pero at one point e bibigay ka rin. Nu’ng second year high school, ako ang president ng class. Every morning, ako ang nagpapapila sa klase sa ground para sa flag ceremony. Minsan, nahuli kami sa pila dahil nag-iinarte o tinatamad ang mga kaklase ko. Nagalit ang adviser namin.

Nang matapos ang flag ceremony, bago mag-umpisa ang klase, nagsalita ang aming adviser. Tinanong n’ya kung bakit nahuli kami sa pila. Nagalit s’ya sa mga matatangkad sa ‘min dahil kami (matangkad din ako) raw ang dahilan ng pagka-delay. Sinagot ko s’ya. Sabi ko, hindi kaming matatangkad ang dahilan. ‘Yung mga maliit ang may kasalanan dahil sila ang nasa unahan ng pila at sinusundan ng iba.

The next day, tinanggal ako bilang presidente at pinalitan.

It was one of the most liberating moments in my high school life. Wala akong galit sa adviser namin dahil alam kong ginawa lang n’ya ang nararapat para sa klase. Naiinis lang ako nang slight dahil nasira ang record ko (from 1st year to 4th kasi e ako ang presidente ng klase). Pero proud ako sa sarili ko dahil I spoke up. Bihira ang mga sumasagot sa teacher sa isang private Catholic school.

Kaya ikaw na student ngayon, kung may hindi ka gusto sa teacher mo, o kung di ka sang-ayon sa sinasabi n’ya, sumagot ka. Mabuti na ‘yung mapagalitan o mapalabas dahil sa pinaglaban mo ‘yung paniniwala mo kesa naman nasa loob ka nga ng classroom, pinagtitiisian mo naman ‘yung teacher mong nagpa-power trip o sa ‘yo binubuhos ang galit dahil sa kanyang personal na problema.

There’s another side to this tip, which leads me to number two: Be polite.

Be assertive but not aggressive. Kahit maganda at nasa tamang panig ka, kung galit ang tono mo o nakakabanas, ikaw pa rin ang lalabas na mali. Marami na ‘kong naging boss na iniisip nilang sila lang ang tama. Siguro nga sila ang tama; matagal na sila sa trabaho at marami na silang karanasan. Pero minsan, kahit ikaw na baguhan at ideal pa ay may punto rin naman.

Ilang beses na ‘kong umalis sa trabaho dahil hindi ko nakasundo ang boss ko. Siguro nga ako ang mali dahil minsan, nagkakasagasaan kami ng pride. Pero sa lahat ng mga narinig ko sa ibang katrabaho, wala pang nagsabi sa aking mali ang ginawa kong paglaban sa aming boss. Sila pa mismo ang humahanga dahil nanlaban ako. Ang mali lang siguro ay ‘yung delivery. Nawalan man ako ng trabaho, hindi naman ako nagsisisi sa mga ginawa ko. And I learned my lesson now.

Sa school, nakaaway ko rin ang P.E. teacher ko dahil sa schedule. Nagalit s’ya sa ‘kin dahil on the dot akong magsulat ng time. Kung dumating ka ng 1:01, isusulat ko talagang 1:01 kahit pa 1:00 lang talaga ang schedule mo. For many days ay hindi ako nagpa-participate sa klase n’ya. Pero time heals all wounds, ika nga.

One day, nagtanong s’ya sa klase. Walang may alam sa sagot, maliban siguro sa ‘kin. Nagtaas ako ng kamay. Tinawag n’ya ang pangalan ko. Sumagot ako. Iyon na ang opisyal naming pagbabati. We were both gracious in our gestures, at palagay ko e malaking bagay na pareho kaming kalmado at walang kinikimkim na galit sa isa’t isa.

Number three, know the rules… bago mo ito suwayin.

Rules are created para maging gabay, pero hindi ito nand’yan para gawin kang robot na kung ano lang ang sabihin sa ‘yo ng teacher mo e ‘yun na ang tama. Kung nakuha n’yo na ang punto ko nu’ng simula pa lang ng mahabang speech na ‘to, ‘yun ay ang matutong magsalita o umaksyon kapag may nakita kang mali.

Isa sa mga pinanghihinayangan kong karanasan siguro noong nag-aaral pa e ‘yung hindi ako napapunta sa Prefect of Discipline. I’m proud, syempre, pero ngayon, tinatanong ko ang aking sarili: Ano kaya ang pakiramdam ng mapadala du’n o mapatawag ang magulang? It could have been a good material for my stories, pero sayang, hindi na mauulit muli ‘yung panahong ‘yon.

If there’s such a time and place para magkamali ka, ngayon na ‘yon habang bata, d’yan mismo sa school. Dahil kapag tumanda ka na at saka mo pa naisipang baliin ang mga batas, sa kulungan ang tuloy mo kundi man sa talahiban na kulang ng isa o dalawang parte ng katawan.

Hangga’t bata ka pa, explore. Do not be afraid to make mistakes, at ‘wag matakot na masuway ang ilang rules and regulations. Of course I’m not saying that you kill somebody o drink and drive o take drugs and shoot all the kindergarten students in your school. Psycho na ‘yon, at baka ako pa mismo dumampot ng tubo para ihambalos sa ulo mo.

So let me rephrase number three: Know the rules before you break them… gently.

Ayan, as if napakalaking tulong ng word na ‘gently.’

Congratulations sa inyo dahil nakakapag-aral kayo, at congrats din sa mga magulang n’yo dahil nabawasan ang sakit ng ulo nila sa bahay dahil naipasa sa inyong mga teachers. Teachers, good luck!