Epal ng Kasaysayan

by Sankage Steno

Ang henerasyon natin ay boring; wala tayong malaking digmaan, wala tayong diktador na namumuno, wala tayong malawakang taggutom, wala tayong people power revolution, wala tayong Katipunan … walang malaking nangyayari sa panahon natin ngayon na maaalala ng mga susunod na henerasyon.

Mga latak lang tayo, mga panggulo, mga filler lang kung ikukumpara sa anime. In the vernacular, mga epal lang tayo ng kasaysayan.

Medyo nakakalungkot isipin na hindi maaalala ang henerasyon natin sa isang malaking pangyayari sa kasaysayan ng bansa o ng mundo. Ang maaalala lang nila, tayo ‘yung nakinabang sa kapayapaan at kalayaang ipinaglaban ng mga nauna sa ‘tin; tayo ‘yung mga spoiled brats na nabuhay sa MTV o Internet o iPad o smartphone o Facebook at Twitter, etc., etc.

Ano nga bang maganda ang pwedeng isulat tungkol sa ‘tin sa mga susunod na history books? Na nagkamit tayo ng libu-libong likes sa Facebook? Na nakagamit tayo ng hashtag? Na nakakapag-text tayo at nagkakaintindihan kht wlng vwls? Na nakapagpadala tayo ng maraming OFWs sa halos lahat ng bansa sa mundo? Na dumami lalo ang shopping malls sa bansa? Na dalawa ang cellphone natin o higit pa? Na “nilabanan” natin kuno ang epekto ng climate change?

Hindi worth it pag-aralan o isulat man lang sa libro ang mga nagawa o na-accomplish natin. Masyadong trivial. Ni wala kang makukuhang value, walang moral lesson. Basta nag-enjoy lang tayo sa tinatamasa natin ngayong independence.

Totoo namang marami pa ring mahirap, andyan pa rin ang threat ng komunismo at terorismo sa bansa, dinadayo pa rin tayo taun-taon ng mga sakuna (natural or man-made), marami pa ring pulitiko ang nagnanakaw at sila-sila rin ang nauupo sa pwesto, marami pa ring pasaway na hindi sumusunod sa batas, at mataas pa rin ang bilang ng krimen.

Pero lahat naman ng bansa dumaranas ng ganyan, ultimo ‘yung mga mauunlad. Hindi na bago. Like I said, hindi karapatdapat malagay sa aklat pangkasaysayan. At wala akong makitang solusyon sa “problemang” ito.

Hindi naman pwedeng lumikha tayo ng sarili nating digmaan. Ano, ipo-provoke natin ang China at Taiwan para magkaroon ng gyera ulit sa bansa natin? Hahayaan natin ang North Korea sa kabaliwan nila para matuloy ang World War III? Ibabagsak natin ang ekonomiya natin para magkaroon tayo ng sariling Great Depression? Iluluklok natin si Bongbong Marcos para ulitin ang kabalastugan ng a-hole n’yang ama?

Funny.

Ito ang kabayaran siguro natin sa pagiging “malaya.” Ito ang suliranin natin sa pagkakaroon ng “kapayapaan.” Tayo ay bagot, tayo ay walang kwenta, tayo ay naghihintay lamang na may mangyaring kakaiba sa mundo, tayo ay nagpapakasarap hanggang sa dumating ang kamatayan natin. Di magtatagal at lilipas din tayo. Epal nga.