Akbay

by Sankage Steno

Kasama ang mga kaibigan, nasa loob kami ng isang malaking silid. Sa harap namin ay may isang flat screen TV. Hindi ko maintindihan ang palabas, o sadyang hindi ko lang alam kung ano ang palabas.

Nasa kaliwa ko ang matalik kong kaibigan. Nasa kanan ko naman siya. May pumipintig sa aking dibdib na hindi ko makontrol. Ayaw nitong tumigil, ayaw ko rin namang patigilin. Kinakabahan ako na nananabik na hindi ko maintindihan.

Sa kalagitnaan ng pinapanood naming palabas na hindi ko pa rin maintindihan, nakaramdam ako ng kakaibang init sa bandang likuran. Bumigat ang aking kaliwang balikat. Nakita ko na lamang ang sariling inaakbayan niya. Natigilan ako. Para akong nakakita ng multo at hindi makasigaw, ni makapag-react man lang. Nanigas ako.

Maya-maya pa, lalo kong naramdamang umiinit ang aking katawan, hindi lang ang aking likod. Ito ‘yung init na komportable sa pakiramdam. Masarap. Nakaka-relax. Parang ayaw ko nang umalis sa pwesto kong iyon. Ilang sandali pa, naramdaman ko namang bumibigat ang aking ulo. Dala siguro ng nakakabagot naming pinapanood.

Idinantay ko ang aking ulo sa may leeg niya, sa ibabaw na kaliwang balikat at sa ilalim ng kanyang baba. Gusto ko nang malusaw.

Kahit gustung-gusto ay hindi rin ako nagtagal sa ganoong posisyon. Dahil sa mga taong nakapaligid sa amin, dahil sa mga kakilala at kaibigang naroon din sa silid na iyon, nakaramdam ako ng gabutil na hiya. At sapat na iyon para muli kong iunat ang aking leeg at ialis mula sa pagkakadantay ang aking ulo.

Bahagyang nawala ang init.

Mabuti na lamang at nanatili siyang nakaakbay sa aking balikat. Hindi rin nagtagal, muling nadagdagan ang init na aking nadarama. Sa pagkakataong ito, ang ulo naman niya ang dumantay sa kanang balikat ko. Ligaya.

Ito na yata ang isa sa pinakamasayang tagpo sa aking buhay. Walang salita, walang awit, walang kolorete, walang pasabog. Tanging mga dantay at akbay lamang namin ang nangungusap … at nagkakaintindihan naman kami. Sa katunayan, intinding-intindi namin ang isa’t isa nang mga sandaling iyon.

Hanggang sa magising ako.