Sino ‘yung nasa tabi mo?

by Sankage Steno

Kaharap mo ang iyong computer. Madilim sa labas, umuulan at minsang kikidlat at kukulog. Hahangin nang bahagya at makakaramdam ka ng kaunting lamig. Matutuwa ka pa sa sarili mo dahil tapos na sa wakas ang summer at panahon na naman ng suspension of classes. Umaasa kang sana ay may suspension din of work.

Sumapit ka sa pangalawang talata ng blog na iyong binabasa. Bawat salita ay pinagtutuunan mo ng pansin. Wala kang pinapalampas na ideya o kaisipan mula sa iyong binabasa. Habang ginagawa mo ito, may nakamasid mula sa di kalayuan.

Hindi mo ito nakikita pero alam mong hindi ka nag-iisa sa iyong kwarto. May kasama ka. Nakasara ang pinto at hindi mo ito narinig o nakitang bumukas. Sigurado ka sa sarili mong walang pumasok at wala ring lumabas. Ngunit kanina pa nariyan ang kasama mo sa di kalayuan. Pinapanood ka.

Ayaw mong lumingon dahil iniisip mong baka guni-guni mo lang. Baka naman malakas lang talaga ang imahinasyon mo. Pero hindi e, parang may ibang tao talaga sa likod mo. At damang-dama mo na parang may nakatingin sa ‘yo. Nagtaasan ang iyong balahibo sa likod na gumapang pataas sa iyong batok hanggang sa tuktok ng ulo mo.

Nakaramdam ka ng panlalamig. Hindi naman humangin. Maya-maya pa, naramdaman mong ang kasama mo sa kwarto ay naglakad papunta sa kabilang gilid. Gustung-gusto mo nang lingunin, pero natatakot ka.

Bahala na.

Isa … dalawa … tatlo…

Lingon!

Nagmukha kang tanga dahil wala naman talagang nakatingin sa ‘yo sa likod. Guni-guni mo lang nga. Mahilig ka kasing magbasa ng kung anu-ano. Masyadong masipag ang utak mo sa kaiisip. Minsan hindi mo na makontrol; kusa na lang itong gagawa ng sariling imahe o mga sitwasyon.

Nagpatuloy ka sa pagbabasa. Ilang saglit pa, tumayo na naman ang balahibo mo sa likod. Naramdaman mong parang may lumapit sa ‘yong likuran. Wala kang naririnig. Nararamdaman mo lang. Ayan na naman. Lumingon ka. Wala talaga. Napapraning ka na siguro.

Dahil sa takot ay naisipan mong magdasal, pero sa gilid ng utak mo, naisip mong sanay ding magdasal ‘yung sinumang nararamdaman mo. Baka sinasabayan ka pa ngayon habang nagdarasal ka ng Our Father o Hail Mary. Baka ang nasa likod mo pa ang tumapos ng iyong panalangin.

Tumigil ka. Hindi mo alam kung tatakbo ba palabas ng kwarto o magpapatugtog na lang ng music sa ‘yong computer. Lumamig na naman. Parang may humipan ng malamig na hangin sa batok mo. Nariyan na s’ya sa likod mo. Halos magkadikit na kayo. Kung igugulong mo ang iyong mata pakaliwa, baka maaninag mo s’ya.

Nakangiti ang nilalang na nasa likod mo. Parang natutuwa pa s’yang makasama ka kahit hindi mo ito nakikita. Sa katunayan, dahil natutuwa s’ya sa ‘yo, sasamahan ka n’ya kahit saan ka magpunta. Kapag nagpunta ka sa banyo, naroon s’ya. Subukan mong tumingin sa salamin. Kapag natulog ka, tatabihan ka n’ya. Pakiramdaman mo ang kama. Bibigat ‘yan na parang may naupo o nahiga.

Nababasa n’ya ang isip mo. At gustung-gusto ka n’ya talagang makasama. Nasa tabi mo na s’ya. Anong gagawin mo?