Stalking 101

by Sankage Steno

The golden rule is: Don’t stop.

At hindi nga ako tumigil. Nagpursigi ako at sinundan ko talaga s’ya. Ito ang kwento:

Sumakay ako ng ordinary bus somewhere sa EDSA, ta’s pagkaupo na pagkaupo ko, may sumakay ulit na umagaw ng aking pansin. Umakyat s’ya, nagtama ang aming paningin at agad ding nag-iwasan ng titig. Maputi s’ya at mukang anlinis-linis. Matangkad din, pero hindi naman kasintangkad ko. At kahit di ko s’ya maamoy, parang ambangu-bango n’ya.

Umupo s’ya sa upuan sa aking harapan. Dumating ang konduktor at nagbayad ako, sabay sabi ng destinasyon. Nagbayad din s’ya at, oh god, pareho kami ng bababaan. Parang nagsipagtunugan ang mga violin sa buong paligid. Kulang na lang e tunog ng kampana. Kung anu-ano na agad pumasok sa isip ko.

Habang tinatawid namin ang tulay sa Guadalupe, naisip ko: Siguro ‘pag naging kami, araw-araw kaming mag-aano, ‘yung ano, um … magliligawan. Ta’s pupunta kami sa kung saan-saang panig ng bansa at mundo. Ta’s bibili kami ng sariling bahay malapit sa dagat, and we’ll live happily ever after.

At dumating na kami sa bababaan namin. Nauna s’ya, sunod ako. Umakyat s’ya sa footbridge, umakyat din ako. Naglakad s’ya sa parehong direksyon na dinadaanan ko araw-araw. Sunod naman ako. Sa loob-loob ko, don’t tell me pareho rin kami ng workplace? Baka s’ya na ang soulmate ko!

Ambilis n’yang maglakad. E ako pa naman e gustong ninanamnam ang paglalakad sa umaga, lalo pa’t makulimlim at hindi mainit. Kaso nagmamadali yata si soulmate, kaya no choice ako kundi bilisan din ang paglalakad. Minsan nga halos patakbo pa para lang hindi s’ya mawala sa paningin ko. Hanggang sa dumating kami sa isang kanto.

Dalawa ang pwedeng daanan du’n: ang short cut na rowdy at maraming tao o ang long cut na peaceful at konti tao. Du’n ako sa long cut dumaraan. E kaso, pinili ni soulmate ‘yung short cut. Nagdalawang-isip pa ‘ko kung sa long cut ako daraan at ime-meet na lang s’ya sa dulo, tutal same lang din naman ang labasan. But no! I decided at the spur of the moment na sundan s’ya. Panindigan na ang pagiging stalker.

So du’n kami sa short cut dumaan. Tinatanaw ko lang s’ya, ang batok n’ya, ang mga braso, ang buhok, ang likod. Masaya na ‘ko du’n. Hanggang ligaw-tingin lang muna. Palihim akong nagdarasal na mabitawan n’ya ang panyong hawak para dadamputin ko kaagad at iaabot sa kanya. Chance ko na ‘yun para magkakilala kami. Kaso di dininig ng Diyos ang aking panalangin. Nakakalungkot lang.

Pero di pa rin ako tumigil sa pagbuntot kay soulmate. Lakad pa rin hanggang sa umabot kami sa pagitan ng Taguig at Makati. Sinabayan ko s’ya sa pagtawid, nagpahuli nang konti at saka sumunod na naman. Until we met this forked road (Forked road talaga? Andrama lang.). Akala ko kakanan s’ya, pero dumiretso pa rin si soulmate. No choice ako kundi kumanan na kasi du’n ang trabaho ko. Du’n na kami nagkahiwalay.

Kung ga’no kabilis s’ya dumating sa buhay ko ay ganu’n din s’ya kabilis nawala. Nagpaalam ang aking mga mata sa kanya kahit wala s’yang kamalay-malay. Sayang. Akala ko s’ya na ang The One. Sinabi ko na lang sa isip ko, “Bye, soulmate! See you next time.” Umaasa pa rin akong may next time.

Naglakad ako papunta sa aking opisina. Nakayuko at parang nalugi. Pagkaliwa ko sa may kanto malapit sa building ng isang bangko, nilingon ko ang paligid bago tumawid. At may nakita akong tumawid. Una kong napansin ang kanyang hikaw. Kumislap. Parang sinabi sa aking “Hello!” Nag-Hi back naman ako, pero sa utak lang.

Ang fair ng balat n’ya at mukang ang kinis-kinis. Hindi ko s’ya maamoy pero parang ambangu-bango n’ya. Para s’yang naliligo sa baby cologne. Kulang na lang e Johnson’s baby powder. Ayun, sinundan ko.