Gusto Kong Maging Zombie

by Sankage Steno

Ang kagandahan sa pagiging zombie, kahit patay ka na, malakas pa rin ang dating mo. Kapag nakita ka ng mga tao, titilian ka. Magwawala sila. Magkakagulo. All because of your presence. Iba ka. Daig mo pa si Daniel Padilla. Partida, patay ka na n’yan.

Ang malupit pa dito, kahit hindi ka mag-ayos ng sarili, kahit pa ang dungis-dungis mo, kahit pa puro putik ka o grasa o dugo, keber lang. Titilian at titilian ka pa rin. Hindi ka na conscious sa kung ano ang hitsura mo. Hindi mo na intindihin ang sasabihin ng ibang tao kapag marumi ka, masangsang ang amoy o hindi naligo.

Kapag naging zombie ka, malaya ka na. Kahit anong gawin mo, kahit sa’n ka magpunta, kahit hindi ka sumunod sa batas, ayos lang. Walang magulang na pagsasabihan ka ng ganito o ganyan. Walang teacher o boss na uutusan kang gawin ire o iyan, ta’s ‘pag di mo nagawa nang maayos, papagalitan ka. Walang pulis na manghuhuli sa ‘yo at magkukulong o magsasampa ng kaso. Absolute freedom!

Masarap maging zombie kasi hindi ka na pihikan sa pagkain. Hindi ka na mag-aalala sa kung ano ang kakainin mo, kung ikakalaki ba ng tiyan mo ang pagkain at kung magkakasakit ka ba sa kinain mo. Isa lang ang gusto mo, fresh meat. At ang paborito mo, brains! Pero okay lang sa ‘yo kahit hindi utak ang makain mo. Hindi ka choosy.

At dahil hindi ka pihikan o choosy sa pagkain, wala ring agawang mangyayari. Kapag kasama mo ang ibang zombie, hindi kayo mag-aaway sa iisang pagkain. Basta kung sino ang mauna, lamon! Kung merong hindi makasingit, abang-abang din. O kaya naman, hanap ng ibang taong makakain. Hindi sila magsusuntukan o magdedemandahan o mag-aagawan sa finite resources. First come, first serve basis ang sistema.

Dahil nga hindi naglalamangan ang mga zombie, hindi nagpapatayan, hindi nagkakainan at hindi inaaway o ginugulo ang kapwa zombie, hindi na kailangan ng gobyerno. Hindi na kailangan ng batas. Hindi na kailangan ng religion. Ang maganda pa sa ganito, kahit wala silang lahat, it’s not anarchy. Maayos pa rin ang takbo ng “buhay” ng bawat zombie.

Pero ang pinakagusto ko sa lahat, ang zombie, kahit ano pa sabihin mo sa kanya, kahit anong pananakit ang gawin mo sa kanya, kahit pa mahalin mo s’ya at iwan sa huli, kahit pa yurakan mo ang kanyang pagka-zombie, kahit pa i-friendzone mo s’ya, kahit hindi mo s’ya i-add sa Facebook, Twitter, Instagram o Google+ (Kung may gumagamit man nito.), kahit ilang beses mong saktan ang kanyang “damdamin,” kahit hindi mo tuparin ang mga ipinangako mo sa kanya, at kahit ilang beses mo s’yang ipagpalit sa iba, wala kang maririnig na sumbat mula sa kanya.

Ang tanging maririnig mo lang e “Rrrrrhhh!