Magkano ba ang dangal mo?

by Sankage Steno

Kung papatayin ko ang nanay o tatay mo o kahit na sinong mahal mo sa buhay na talagang ka-close mo, anong gagawin mo sa ‘kin? Idedemanda mo ba ako? Ilalagay mo ba ang batas sa sariling kamay at ipapapatay din ako? O makikipag-settle ka sa ‘kin at hihingi ng malaking halaga at ilang pabor para hindi na humaba pa ang problema?

Sabihin natin na kaya ko pinatay ang mahal mo sa buhay ay dahil hadlang s’ya sa aking mga pinaplano. Pinatay ko s’ya kasi nasa maling lugar s’ya sa maling oras. No choice ako kundi patahimikin na s’ya habang buhay, or else ako ang malilintikan. Ganun ang background ng story ko.

Kung idedemanda mo ako, tatagal lang kasi alam naman natin kung ga’no kakupad ang justice system sa bansa. Bukod sa matagal na, corrupted pa ang maraming abogado at hukom. Kahit malaki ang chance mong makamit ang hustisya, gagastos ka muna nang malaki at maghihintay ng maraming taon bago makamit ito.

Kung ipapapatay mo naman ako, malaki ang chance na hanapin ka rin ng mga pulis at ikulong. Pwede rin namang hindi ka magtagumpay at gumanti ako. Kung successful naman ang pagpatay sa ‘kin, ibang kamag-anak ko ang gaganti sa ‘yo o sa ‘yong pamilya. Walang katapusang gantihan ‘to, parang teleserye. Matatapos lang kapag nagkaubusan na ng lahi.

Kung makikipag-areglo ka naman sa ‘kin at willing akong magbayad ng malaki, say, P10 million, para matahimik ka na, tapos na agad ang usapan, pero alam mong buhay pa ako at patay na ang mahal mo sa buhay. Hindi mo nakamit ang hustisya, pero guminhawa naman ang buhay mo at the expense of your loved one. Bahala na lang siguro ang konsensya mo.

Anong gagawin mo ngayon?

Believe it or not, maraming sasagot sa pangatlong choice. Ganun kasi ang binabalak gawin ng ilang kapamilya ng mga biktima sa Maguindanap Massacre. Marami sa kanila ang sinusubukang makipag-areglo sa mga Ampatuan for P50 million, plus iuurong ang kaso at ililipat ang sisi kay Mangudadatu, ang political rival ng Ampatuan. See this news.

Sa hirap ng buhay ngayon at sa kabagalan ng hustisya sa bansa, para sa’n pa nga ba ang prinsipyo at paninindigan mo? Tutal, patay na naman ang mahal mo sa buhay at di na maibabalik pa, ano pang silbi ng pagsasampa ng kaso? Hindi ba tinuturo rin naman ng simbahan ang magpatawad? Forgive and forget? Saka malaking tulong din naman ang perang makukuha mo. Choosy ka pa ba?

Buti na lang, hindi ako naniniwala sa forgive and forget. Buti na lang willing to wait ako. Buti na lang hindi ko sinasamba ang pera kahit hindi nakakabusog ang prinsipyo at dignidad. Naniniwala ako kay Shan Cai ng Meteor Garden sa sinabi n’ya noon kay Dao Ming Si:

Para saan pa ang mga pulis kung pwede namang mag-sorry?