Ligaw Ligaw Din ‘Pag May Time

by Sankage Steno

Ano ba ang pakiramdam ng nililigawan? Para bang may kumukurot talaga sa singit mo? Talaga bang nakakakilig ‘yun? Nakakataas ba ng ganda (o pogi) points ‘yun kapag nililigawan ka? Tumataas din ba ang confidence level mo? Totoo bang para kang inililipad sa langit? Ano ba talaga?

Alam ko naman ‘yung feeling na may nag-aadmire sa ‘yo. Nae-experience ko naman ‘yung ganung bagay from time to time, if not all the time. Weh? Pero ang gusto kong malaman e ‘yung pakiramdam na binubuhos sa ‘yo lahat ng atensyon at pagpupugay ng isang taong “medyo gusto” mo pa lang para maging kayo.

Isipin mo, ihahatid-sundo ka sa mga pinupuntahan mo. Minsan may tagabitbit ka pa ng bag. Nabibigyan ka rin ng kung anu-anong bagay gaya ng chocolates na sobrang paborito ko, o kaya naman e bulaklak (long stem na rose ang gusto ko), o kaya naman e kotse. Kotse? Wow! Parang bribe na ‘yun at hindi ligaw, pero who knows, di ba? Kapag kasi de-kotse ang nanliligaw sa ‘yo, parang iyo na rin ‘yung tsekot n’ya.

Ta’s, syempre, puro magaganda lang maririnig mo sa manliligaw mo. Bobola-bolahin ka, at kahit alam mong binobola ka lang, syempre go lang kasi masarap pakinggan. Magte-text sa ‘yo ng mga sweet nothings, ta’s lagi ka pang iko-compliment. Sasabihan na ang ganda mo sa suot mo o ang tali-talino mo o ambait-bait mo. Feeling mo perfect kang nilalang, kahit hindi naman talaga.

Ang okay pa sa ganito, pwede kang magpakipot para lalo n’yang galingan ang panliligaw sa ‘yo. Mag-iinarte ka kunwari, at sasabihin mong “E ayoko kasi baka magalit ‘yung papa ko.” Pero ang totoo, gusto mo lang papilit. O kaya naman sasabihin mo, “It’s so hirap naman to make tusok-tusok the fishball.” Pero ang gusto mo lang talaga e ikuha ka ng manliligaw mo at subuan. Isusubo mo naman.

Ayan tayo e. Abusado rin minsan. Pero fun!

Tapos, tapos, andyan ‘yung magdadamoves ‘yung manliligaw mo para mahawakan kamay mo o kaya e maka-kiss sa ‘yo kahit sa cheek lang. Ta’s syempre, ang arte-arte mo pa kunwari. Aayaw-ayaw ka muna pero gigil na gigil ka naman talaga. Kulang na lang e hambalusin kita ng cactus sa sobrang kakatihan mo. Pero pa-demure pa rin. Maria Clara lagi ang peg, kahit malibog s’ya sa totoong buhay (sa nobela).

Swerte rin nu’ng mga nililigawan e. Daming privileges. Sana makuha ko rin ‘yung mga ganung privileges. Fishing?