Gusto Mo Bang Magpagamit?

by Sankage Steno

Maraming napapraning dahil sa pambu-bully ng China sa atin kaya naman marami rin ang convinced na dapat pabalikin ang mga Amerikano sa Pilipinas at muling ipagamit sa kanila ang ating mga military bases.

Madali namang intindihin kung bakit gusto ng karamihan na mangyari ito, pangunahin na rito ang PNoy administration as voiced out by Defense Secretary Voltaire Gazmin: Parang garapata ang militar natin kumpara sa Cerberus ng China. At dahil garapata lang tayo, kailangan natin ang bulldog ng Amerika para maging patas ang laban.

Sasabihin ko sa inyo ngayon ang mga dahilang nakalap ko kung bakit hindi pa rin natin dapat pabalikin ang mga Amerikano sa Pilipinas kahit pa parang tanga tayo sa panlalaban sa China.

  • Tutulungan tayo ng United States hindi dahil sa gusto nila tayong tulungan kundi dahil may pansarili silang interes sa Pilipinas at sa Asya. Di ba pahina na ang kanilang ekonomiya? For sure gagamitin nila lahat ng possible avenues at resources para muling buhayin ito. Papagamit ba tayo?
  • Ipinaglalaban natin ang ating kalayaan, ang ating sovereignty, ang ating teritoryo, laban sa mga mayayabang na Tsino, tapos isusuko/ibibigay/ipapagamit naman natin (ulit) sa mga Amerikano? Gago ba tayo? Ba’t di na lang tayo sumuko sa China kung ganun lang din naman ang kahihinatnan sa huli? Pinatagal lang natin ang laban.
  • Hindi tayo sigurado na kapag natapos na ang away natin sa China e aalis na rin ang mga Amerikano at babalik sa kanilang bansa. Hindi po ganun kadali ‘yun. Ano, matapos natin silang pakinabangan, alis na lang bigla? Hindi sila ganun katanga. Asa pa tayo sa gusto nating mangyari.
  • Kung naaabuso at nate-trespass na tayo ng mga Amerikano ngayong wala pa silang bases sa bansa, pa’no pa kapag pinabalik natin sila ulit? Remember ‘yung barko ng U.S. na sumadsad sa Tubbataha Reef? Remember ‘yung U.S. drone na nakuha ng mga mangingisda sa Masbate? Remember ‘yung Subic Rape Case, si ‘Nicole’? Ad infinitum et ultra!
  • Hindi naman siguradong magkaka-giyera sa West Philippine Sea. Hindi naman ganun kabobo ang China na maglulunsad ng digmaan dahil kapag ginawa nila ‘yon, alam nilang sasali ang United States kahit wala itong kinalaman sa conflict. Takot din sila, at ayaw nilang gumastos ng malaki para lamang sa iilang batong nakausli sa dagat. Ngayon pa ba sila maglulunsad ng war kung kelan paunlad sila nang paunlad?

Para sa ‘kin, mas maganda pa ring idaan ang laban sa diplomatic means. Dapat nating hikayatin ang mga maliliit na bansa sa Southeast Asia para “kumampi” sa ‘tin at i-pressure ang China na lumikha at sumunod sa isang code of conduct sa West Philippine Sea.

Dahil nasa United Nations na rin naman ‘yung kaso natin, dapat siguro i-push na lang iyon at hintayin ang magiging desisyon kahit pa abutin ng taon. Parang DOTA lang ‘yan e, ‘wag dapat agre (read: aggressive) o gigil sa umpisa. May tamang panahon at paraan para lumaban at manalo sa kalaban.

Daanin natin sa maliliit at makukulit na paraan. Hindi ako expert dito, pero I’m sure hindi naman bobo ang mga nasa katungkulan. Oo, garapata lang tayo, pero alam mo naman ang kayang gawin ng garapata sa isang mataba at magandang aso.