Bawal ang Neutral

by Sankage Steno

Anong gagawin mo sa ganitong sitwasyon?

A. Nasa public toilet ka at tumatae. Sa kalagitnaan ng pag-ire mo, biglang may lumawit mula sa kisame na isang white lady na nakapatiwarik at duguan ang mukha. Tatakbo ka ba palabas nang may tae sa puwet at nakahubo o titiisin mo na lang ang takot?

A.1. Nasa public toilet ka ulit at tumatae. Sa kalagitnaan ng pag-ire mo ay may lumawit na rattle snake (o king cobra) mula sa kisame. Tatakbo ka ba palabas ng cubicle na may tae sa puwet at nakahubo o lalabanan mo ang takot at panganib?

Ano naman ang gagawin mo sa sitwasyong ito?

B. Zombie apocalypse na. Hinahabol ka at ang isang stranger na kasunod mo ng sandamukal na zombies at malapit na kayong ma-corner sa isang bakod. Sure na makakain kayo kapag hindi n’yo napabagal ang mga zombies. Babarilin mo ba ang kasama mo para ipakain sa mga zombies at makaligtas ka?

B.1. Zombie apocalypse. Hinahabol ka at ang iyong anak o asawa ng sandamakmak na zombies at malapit na kayong ma-corner sa isang bakod. Sure na makakain kayo pareho kapag hindi n’yo napabagal ang mga zombies. Isasakripisyo mo ba ang iyong sarili o ang iyong anak/asawa para may makaligtas na isa?

Kung napunta ka naman sa ganitong kalagayan, anong gagawin mo?

C. May alaga kang aso na nasagasaan ng trak at naghihingalo. Sabi ng beterinaryo na wala na s’yang pag-asa pang mabuhay at may choice ka kung hihintayin mo na lang itong mamatay sa sakit at pinsala sa katawan o sasaksakan ng gamot para hindi tumagal ang paghihirap nito at mamatay na agad. Alin sa dalawa ang gagawin mo?

C.1. Nasagasaan ang nanay/tatay mo na trak at naghihingalo sa ospital. Tanging makina na lang ang bumubuhay sa kanya. Sinabi ng doktor na imposible na itong mabuhay kung tatanggalin ang makina. Maghihintay ka ba sa himala o tatapusin na ang paghihirap ng magulang mo?

Ano naman ang gagawin mo sa pagkakataong ito?

D. Nasira ang barkong sinasakyan mo at nakaligtas ka kasama ng tatlo pang iba sa isang life boat. Isang buwan na kayong palutang-lutang sa dagat, ubos na ang pagkain at malinis na tubig. Ang isa sa inyo ay mamamatay na sa gutom. Susunod ka na kapag di ka pa kumain ng isang araw. Papatayin mo ba ang mahinang iyon para may makain kayo?

D.1. Nasira ang sinasakyan mong barko, pero nakaligtas ka kasama ng tatlo pang iba sa isang life boat. Isang buwan na kayong palutang-lutang sa dagat, ubos na ang pagkain at malinis na tubig. Nanghihina ka na at malapit nang mamatay, pero kaya pang tumagal ng ilang araw ang iba mong kasama. Gusto ka nang patayin ng mga kasama mo para makain nila. Magpapakain ka ba o tatalon na lang sa dagat para magpakalunod?

Finally, this last one.

E. May mahal kang tao na gwapo/maganda, mayaman at matalino pero may iba nang karelasyon. Tapos may isang nanliligaw/nagpaparamdam sa ‘yo na gwapo/maganda, mayaman at matalino rin pero hindi mo mahal. Pagbibigyan mo ba ang nanliligaw/nagpaparamdam sa ‘yo o dun ka pa rin sa mahal mo?

E.1. May mahal kang tao na gwapo/maganda, mayaman at matalino pero may iba nang karelasyon. Tapos may isang nanliligaw/nagpaparamdam sa ‘yo na hindi kagwapuhan/kagandahan, may trabaho pero di mayaman at mabait pero hindi mo gusto. Pagbibigyan mo ba ang nanliligaw/nagpaparamdam sa ‘yo o dun ka pa rin sa mahal mo?