Apoy sa (Insert Body Part Here) ng Kaaway

by Sankage Steno

Nakita mo ba ‘yung sunog kanina malapit sa Makati Medical Center sa, well, Makati City? Ako kasi hindi. Nasa BGC kasi ako sa Taguig, so hindi ko s’ya na-sight. Nabalitaan ko na lang sa Inquirer.net. Sabi du’n sa balita, hindi pa confirmed ang cause ng sunog, pero sure silang ang sunog e du’n sa isang squatter’s area.

Binasa ko ‘yung comment at maraming nagsabi na baka raw sinadyang sunugin para mapaalis ang mga informal settlers sa pinakasosyal na lugar sa bansa. May point nga naman, ‘no? Sayang ang ganda ng Makati CBD kung mababahiran lang ng pangit na mukha ng mga shanties (barung-barong sa Tagalog).

At ‘di rin malayong mangyari na kaya nga nagkasunog e para mapaalis ng landlord ‘yung mga squatters na nagsisulputan du’n na parang kabute. Actually, matagal nang practice ‘yan kahit sa’n pa sa bansa. Kapag hindi mo mapaalis ang mga tao sa isang building o isang area, either i-demolish mo ito o sunugin. Ganu’n lang kadali.

Hindi na Bago

Nangyari na rin kasi ‘yan sa ‘min sa UP Diliman dati nu’ng nag-aaral pa ‘ko du’n. May isang dormitoryo ang “nasunog” na lang bigla isang araw. Sabi sa mga tsismis, sinunog daw para mapalitan na ‘yung building kasi nga halos condemned na, sobrang luma na. Matanda pa sa ‘kin at sa ‘yo, ganyan. True enough, napalitan nga s’ya ng bagong gusali. Galing lang.

Wala naman akong nabalitaang nasaktan o namatay. Kung meron man, baka naareglo na. Ganu’n naman lagi e. So lalong lumalakas ang ebidensya na, most likely, sinusunog nga ang mga ganu’ng lugar para mapaalis nang pwersahan ang mga nakatira du’n at magamit sa ibang mas profitable na bagay ‘yung property. Business as usual.

Ngayon, naisip ko, kung nasosolusyonan ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng apoy, bakit di na lang natin sunugin ang lahat ng suliranin natin sa buhay?

Sunog ang Solusyon

For example: Kapag hindi mo gusto ang pamamalakad ng mayor n’yo sa inyong bayan, sunugin mo s’ya. Kapag hindi mo gusto ang lumabas na mga tanong sa exam mo, sunugin mo ang test paper. Kapag ayaw kang bigyan ng NBI clearance o kahit anong legal document, sunugin mo ang ahensya. Kapag di ka makasakay ng MRT o LRT, sunugin mo ang tren! Kapag nakipag-break sa ‘yo ang syota mo, sunugin mo ang (toot!) n’ya.

Just make sure na hindi mo palalabasing sinadya. Kunwari na-misplace mo lang ‘yung posporo tapos nahulog du’n sa pinoproblema mo.

Solution in an instant! Nai-imagine ko na ang maraming advertisements na pwede sa posporo o lighter o apoy in the future. Laro-laro din ng apoy ‘pag may time. Apoy: ang solusyon sa lahat ng iyong suliranin! Ikaw ba’y nalulungkot, nababagot o namomroblema? Magsunog na! Sa isang siklab, tapos ang lahat ng problema.

Ayos, di ba?

Ingat lang sa arson at sa paso.