Muka Mo

by Sankage Steno

Alam ko namang hindi ako mukang Pilipino e. Inaamin ko naman. Mas muka akong taga-Mongolia. Mongolia? Genghis Khan lang ang peg. Pero, seriously, ilang beses na ‘kong napagkamalang Hapon, Tsino at Koreano. Hindi naman s’ya offensive for me; nakakatawa pa nga minsan e.

Nung nasa Ugong Rock ako nung Sabado, panay ang English ng tour guide namin habang umaakyat sa loob ng karst tower na umuugong ang mga stalactites. Akala ko naman e protocol talaga na English ang salita nila sa mga turista. Pinipigilan ko tuloy consciously na i-correct ‘yung mga grammatical errors n’ya. Ang hirap! Pramis.

Ta’s tinanong n’ya ko kung it was my first time in Palawan. Sumagot ako sa Tagalog. Sabi ko, first time ko sa Puerto Princesa pero nakapunta na ako sa Coron. Gulat na gulat si kuya. Natatawa s’ya dahil halos dumugo raw ang ilong n’ya kaka-English kasi akala n’ya foreigner ako. Well, ako rin naman muntik nang duguin dahil sa kakapigil maging editor sa mga salita n’ya.

Ayoko na talagang maging grammar pulis.

Pagkabalik naman namin dito sa Maynila, tumuloy kami sa bahay ng isang sikat na babaeng tawagin na lang natin sa pangalang Ginebra. Marami kasi s’yang death threats kaya di ko pwedeng i-reveal ang identity n’ya. Si Ginebra ay maraming advocacies at sobrang energetic n’ya. Sobrang sexy din.

Nang makarating kami sa jungle, este, bahay n’ya, syempre papakilala muna. How rude naman kung hinde. Nung pinakilala na ‘ko ng mga kasama ko kay Ginebra, kinamayan ko s’ya at sinabing “It’s a pleasure to meet you (Finally!).” Napansin ko agad ‘yung nakaka-conscious na tingin nya sa ‘kin. Then sabi n’ya:

Are you Filipino?

Medyo na-hurt ako, pero di ko na lang pinahalata. Ngiti pa rin. Sanay na naman akong napapagkamalang chekwa o kahit na sino pang singkit na Asyano. Pinalampas ko na lang dahil idol ko s’ya sa kasipagan at mga prinsipyo sa buhay. Sinabi ko na lang in Tagalog, “Opo, tagarito po ako sa Pilipinas.”

Kung hindi ako napapagkamalang banyaga, madalas naman e napapagkamalan akong menor de edad. Me already! Ayoko namang mag-inarte kasi, somehow, it’s a compliment. Medyo hassle na nga lang minsan sa trabaho. Oh well, sana sa susunod mapagkamalan naman nila akong artista. Hindi naman kami nagkakalayo ni Daniel Padilla. Mas lamang lang ako ng tatlong paligo sa kanya.