Moves Like Jaeger

by Sankage Steno

Uy, in fairness, first time ko yatang sasang-ayon ngayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines. Nagsalita kasi sila hinggil sa paggamit ng mga senador ng kanilang pork barrel para sa mga bogus NGOs re Janel Lim-Napoles. Ito ‘yung napabalitang P10 billion racket simula pa noong 2002.

Hindi pa rin ako sang-ayon sa pangingialam ng CBCP sa pulitika, pero I’ll make an exception this time. Sa tingin ko kasi, sa ngayon, ginagamit nila sa tama ang kanilang impluwensya. Tingin ko lang naman. Pero gaya nga ng sabi ko, ayoko pa ring manghihimasok sila sa kalakaran sa gobyerno dahil hindi naman nila trabaho iyon.

Eto ‘yung sinabi ni Fr. Edwin Gariguez, executive secretary ng CBCP-National Secretariat for Social Action, tungkol du’n sa mga nakinabang na mambabatas sa scam:

“I agree with that instead of them saying, like Sen. Bong Revilla, that (the Palace) is just after him… That is not acceptable to the people. They should come up with a reasonable explanation and explain if you received (money) or not. They should give the public a reasonable answer.”

Hindi lang dapat reasonable answer. Dapat din siguro ibalik nila ‘yung Priority Development Assistance Fund o mas kilala sa tawag na ‘pork barrel.’ Sa totoo lang, hindi naman trabaho ng mga senador at kongresista ang magpatayo ng gusali, tulay, kalsada, ospital, paaralan, atbp. Ang trabaho nila ay gumawa at magpairal ng batas, kaya hindi talaga nila kailangan ng pork barrel.

Ang nangyayari kasi, ginagamit ng mga mambabatas yung pera para sa kanilang mga “proyekto.” Kahit ano na lang ipapagawa para makakuha ng komisyon o kickback. Ang iba nga, nilalagay sa kanilang mga “foundation.” Ang utak lang, ‘no? Ang iba pa, ginagamit na pandagdag sa pondo nila kapag eleksyon. Maling-mali.

To give you a clearer understanding sa pinag-uusapan natin, P70 million ang binibigay sa mga kongresista kada taon at P200 million naman sa mga senador. Ganyan kalaki ang kanilang pork barrel. No wonder magaganda ang bahay, damit at kotse nila.

Hindi naman matanggal ito ng pangulo kasi pwede n’ya ‘tong gawing sandata para mapasunod ang mga mambabatas sa kung anong gusto n’yang gawin. Kung may gusto s’yang ipatupad na batas, ibibigay n’ya ‘yung pork barrel nang maaga as suhol. Kung may haharangin naman s’yang batas, pwede n’yang i-delay o huwag ibigay ang pork barrel as “parusa” sa mambabatas na hindi susunod sa kanya.

It’s a political tool, ika nga.

At dahil mas madalas na sa kwestyonableng mga proyekto napupunta ang pera, naniniwala akong dapat tanggalin na ‘to ng pamahalaan. Bukod sa source of corruption, hindi rin talaga kailangan. Ibigay na lang nila ‘yung pera sa DepEd o DSWD o DPWH at sila ang pagawain ng mga proyekto.

Or ibigay na lang nila sa ‘kin at ako ang bahalang gumastos. Ang gagawin ko sa P70 million e ido-donate ko sa UP o PUP para sa research and development fund ng faculty o scholarship ng mga students. Pwede rin namang bumili ako ng isla sa Spratlys tapos du’n ko ipapatapon lahat ng masesentensyahang ‘guilty’ ng ombudsman.

Better yet, gagamitin ko ang pera para gumawa ng isang high-tech mechanical suit, or jaeger, tapos tatapusin ko ang lahat ng masasamang pulitiko sa Pilipinas. ‘Yung matitirang pera e gagamitin ko sa eleksyon kasi for sure maraming posisyon ang mababakante.