To My Future Ex

by Sankage Steno

Dear Bitch,

Sana mabilaukan ka sa kinakain mong chicken sandwich. Sana rin e matapunan ka ng kape mong bagong kulo. Dapat lang sa ‘yo ‘yan dahil isa kang malaking sinungaling. Mahihiya ang mga expert na sinungaling sa ‘yo dahil sobrang galing mong manloko. Hindi lang ako ang pinaikot mo; pati ang sarili mong pamilya at mga kaibigan, damay rin.

Sabi mo ako lang ang mahal mo? Sabi mo hinding-hindi mo ‘ko ipagpapalit sa iba kahit pa mangulubot na ‘yung mga balat natin? Sabi mo magiging matapat ka sa ‘kin at sasabihin mo kapag may crush ka sa ibang tao? Sabi mo magpapakasal tayo at lilibutin natin ang buong Pilipinas sa ating honeymoon?

Sinungaling.

Pasalamat ka at online ‘tong sinulat ko, dahil kung nagkataong sa papel ‘to nakalagay, siguradong naninikip na ang dibdib mo ngayon dahil sa lasong ilalagay ko sana. Okay sana ang anthrax o ebola.

Di bale, I’ll find another way to poison you. Right now, gusto ko lang talagang ipaalam sa ‘yo kung ga’no kita kinamumuhian. Hindi ako makapaniwalang tatlong taon kitang “minahal.” Wait, saglit lang. I take that back. That word is too loaded. Here’s the proper version: Hindi ako makapaniwalang tatlong taon tayong nagsama.

Ayan, much better.

Tatlong taon ‘yon. Tatlong taon ang nasayang sa buhay ko. Kung nag-masters na lang sana ako baka tapos ko na ngayon. Isinakripisyo ko ‘yon dahil ayokong may sagabal sa ating relasyon. Tapos sasayangin mo lang? Sa isang kindat biglang hindi na pala tayo? Wow, ah. Ibang klase ka rin magtrip.

Don’t worry, hindi kita mumurahin sa sulat kong ‘to. Mas masarap kasing gawin ‘yun kapag harapan. So ‘wag na ‘wag mong ipapakita sa ‘kin ‘yang kinakalyo mong mukha kung ayaw mong makatikim sa ‘kin ng matatamis na salita. At di lang salita ang makukuha mo sa ‘kin kapag nagkita tayo. Sisiguruhin kong walang makakakilala sa ‘yo kapag binasag ko ‘yang mukha mo.

Para patas, idadamay ko na rin ‘yang kabit mo. Tutal pareho naman kayong mukang siko, hindi naman masyadong nakakapanghinayang kung sisirain ko ang mukha ninyo pareho. For sure, madaling makaka-recover ang makakapal n’yong mukha. ‘Wag na ‘wag lang talaga kayong magkakamaling makipagkrus ng landas sa ‘kin.

Alam kong masaya ka na ngayon, kaya nga gustung-gusto kong makaganti sa inyong dalawa. Pero ayos lang, may tamang panahon para d’yan. Bago pa man mangyari ang lahat, bago mo pa ‘ko lokohin, saktan at hiwalayan, gusto ko lang malaman mo na sana ay maging mag-on muna tayo. Sige na naman, please.

Umaasa,
Your Future Lover