Dararatda

by Sankage Steno

Ayoko talagang isulat ‘to e kaso ayaw matanggal sa utak ko. Paulit-ulit s’ya, napakakulit, parang sirang plaka, ‘yung vinyl. Actually habang sinusulat ko ‘tong mga katagang ‘to e tumutugtog pa rin s’ya sa loob ng ulo ko. Tinamaan na naman ako ng last song syndrome. Ibig sabihin idle ang utak ko.

Napakinggan mo na ba ‘yung bagong kanta ni Sam Concepcion, with Tippy Dos Santos and Quest, entitled Dati? Sinulat s’ya nina Thyro Alfaro at Yumi Lacsamana na real-life sweethearts daw. Kitang-kita naman sa lyrics ng kanta. Sa katunayan, kitang-kita rin na 90s kids sila kaya naka-relate ako nang bongs.

It’s a very simple story of puppy love na masarap balik-balikan. Basta pakinggan n’yo na lang. Gusto pa ikwento ko. Ayan a, tamad lang. Ito ‘yung mga links para di ka na mahirapang mag-Google. Nakakahiya naman sa ‘yo e.

Kung gusto mo ng official video, click mo ‘to: Dati (Official Video)

Kung gusto mo naman ng live, eto click mo: Dati (Live)

At kung gusto mo ng may lyrics, click mo ‘to: Dati (Lyrics)

Huwag kang mag-alala na baka mawala ka sa blog ko. I made sure na kapag nag-click ka sa kahit anong mga link na nasa taas, mapupunta ‘yan sa ibang window o tab. Ganyan ko kasi iniisip ang mga readers ko. Bihira lang ‘yan mangyari kaya sulitin mo na. Mas madalas kasi sarili ko lang iniisip ko kapag nagsusulat ng blog.

Natutunan ko ‘yung song na ‘yan dahil sa isang blog dito sa WordPress. Nakalimutan ko na kung kanino basta fina-follow ko s’ya. Kung sino ka man, at kung nababasa mo ‘to, please stand up, introduce yourself, and accept my sincere thanks. Sinisisi rin kita dahil hanggang ngayon di ko pa rin matigilan ang pakikinig sa Dati.

Para sa hindi pa nakakaalam, nanalo ang Dati sa PhilPOP 2013. Grand prize lang naman ang napanalunan nila. In numbers, that’s Php1,000,000. Imagine, dahil lang sa isang kanta, naging milyonaryo ka na? Alam mo ba pakiramdam nu’n, ha? Alam mo ba? Ako alam na alam ko.

In fairness naman kasi sa kanta, sobrang catchy ng tune. Impak, andami n’yang katunog na local and foreign songs. Parang pinagsama-sama lahat into one. Kung anu-anong kanta ‘yon, pakinggan mo na lang nga at sabihin mo sa comment. Du’n na lang tayo mag-usap.

In fairness din kina Sam at Tippy, maganda ang chemistry at blending nila. Ibibigay ko talaga. Kumbaga sa compounds, para silang NaCl (table salt) o H2O (water). Yes, may naalala pa ‘ko kahit konti sa Chemistry ko nu’ng high school. Hindi na ‘ko mapapahiya sa teacher ko. Hi, sir!

Medyo nanghihinayang lang ako kay Sam kasi sobrang talented n’ya pero parang hindi nabibigyan ng break kagaya ng ibang mas sikat na artista ngayon. For sure naman mas magaling kumanta, sumayaw at umarte ‘tong si Sam kumpara sa ibang mas sikat sa kanya. Or baka naman choice din n’yang saktong kasikatan lang ang gusto n’ya? Pakialamero din kasi ako e. Parang kay ganda ng sarili kong career (kung meron man).

O s’ya, kakabisaduhin ko pa ‘yung kanta, tapos sasali ako sa The Voice. Mabuhay ang OPM!