Kay Papa

by Sankage Steno

Pa, naaalala mo pa ba nu’ng tinuruan mo ‘kong mag-bike? Antaba-taba ko kasi noon kaya hirap akong balansehin ang sarili. Pero one time, naglakas-loob akong sumubok ulit habang tulak-tulak mo ‘yung bisikleta. Diri-diretso lang ako sa kalsada, hanggang sa nagtuluy-tuloy na ‘yung takbo ko.

Pagtingin ko sa likod, hindi ka na pala nakahawak. Akala ko tulak-tulak mo pa rin ako. Syempre, bagsak ako bigla, pero after nu’n natuto na talaga akong magbisikleta. Ngayon nga kaya ko pa nang walang hawak, both hands.

Ta’s naalala mo rin ba, Pa, nu’ng kinwento ko sa ‘yo ‘yung pinagsasabi sa ‘kin ng teachers ko nu’ng first year high school? Sabi nila matalino raw ako kaso hindi ko ginagamit masyado o nadadala sa laro. Dalawa lang daw kasi kami sa batch namin ‘yung nakakuha ng “gifted/genius” level sa I.Q. Test, ako saka ‘yung valedictorian.

Ikaw naman, bilib na bilib. Samantalang ako, nagulat ka pa? Naks! Binida mo pa ‘ko sa lahat ng kaopisina mo, ta’s hindi mo rin pinalampas ‘yung pagkakataon na ipagyabang ‘yun sa mama at mga kapatid mo.

Naalala ko pa ‘yung time na ‘yun kasi du’n mo sinabi sa kanila sa Libingan ng mga Bayani, sa harap ng puntod ni lolo. Gustung-gusto kong pumupunta noon sa libingang ‘yun. Ang ganda kasi saka anlinis. Ang totoo nga n’yan, lalo akong naging proud ke lolo nu’ng du’n s’ya nilibing. Dahil din du’n, pinangarap ko minsang maging sundalo.

Tagal ko na ring di nakakapunta du’n kahit anlapit-lapit lang ng workplace ko du’n.

E ‘yung ano, Pa, ‘yung time na nagluto tayo sa bahay ng “veggie balls” na paborito nating kainin sa tapat ng school ko? Di ko makakalimutan ‘yun. Sinubukan kasi nating gayahin sa bahay ‘yung paggawa nu’n. Bumili ka pa ng carrots saka patatas, tapos nilaga natin pareho hanggang sa lumambot.

Tapos, minash natin at saka binilog. Nu’ng pinrito na natin, hindi s’ya nabuo at naging bilog. Naging flat s’ya na parang maliit na pancake. E pa’no ba naman di yata natin nilagyan ng maraming harina. Nagmuka s’yang mashed veggies na hugis okoy. Pero in fairness masarap pa rin s’ya.

Sayang at di natin napangalanan ‘yung accidental dish na ‘yun.

Hindi ko rin makakalimutan nu’ng minsang birthday ko. Nagising na lang ako nu’ng umagang ‘yun na yakap-yakap ‘yung Megason (parang family computer). Grabe ang saya ko nu’n, lalo na nu’ng makita ko ‘yung 9999 games in 1. ‘Yun talaga ang precursor ng pagkahumaling ko sa PlayStation at iba pang computer games. Ibang level ang kaadikan ko du’n nu’ng bata.

At syempre, Pa, makakalimutan ko ba ‘yung pagrerenta mo ng betamax para lang makapanood ng Dragon Ball Z? Nakakatawa ‘yun kasi pirated s’ya. May tumatayo pang anino at tumatawa o nagsasalita sa background. Imagine, betamax? Dragon Ball? Pirated? Adik lang.

Naaalala mo pa ba lahat ‘yun? Sana kasi dinagdagan mo pa memories ko sa ‘yo.

Happy birthday, Pa! Aylabyusomats! And I miss you.