Para saan ba ang kalyo?

by Sankage Steno

Ngayon ko lang na-appreciate ang mga kalyo ko sa paa. Mahal ko na sila, pramis! Akala ko dati, pampapangit lang sila sa perfect kong katauhan. ‘Yun pala, may purpose din sila kung ba’t sila sumulpot na lang sa mga paa ko. Naiiyak na ‘ko.

Andito kasi ako ngayon sa Mindoro. Di ko na sasabihin kung saang bayan at kung Occidental ba o Oriental. Bahala na kayong manghula. Basta ang mahalaga, nagpunta ako kanina sa isang sitio ng mga Mangyan para sa panibago kong misyon sa buhay. At, men, grabe na naman ang mga learning kong napulot.

Bago ako makapunta roon, dumaan muna ako sa isang malawak na sakahan. Ngayon pa lang nagtatanim kaya ‘yung ibang field e putik pa lang. Syempre, nu’ng una, du’n pa ‘ko sa pilapil dumaraan habang nakatsinelas. E fail! Nadulas ako, pero di naman ako sumemplang. So ang ginawa ko, nagtapak na lang ako. Du’n ko nagamit nang husto ang kalyo ko sa paa.

Kapag kasi makinis ang talampakan, mas madulas. As in! Kaya sobrang ginagalang ko na ngayon ang aking mga kalyo. Saludo sa kalyo! Kalyo ko, galing ko! Gago.

At para mas madali, hindi na ‘ko du’n dumaan sa makitid na pilapil, unless ‘yun lang ang pwedeng daanan. Kapag no choice na sa pilapil daraan, sobrang bagal ko kasi madulas nga. At kailangang poise pa rin. Rampa kung rampa kahit nasa gitna ng bukid. Tapos nu’n, wala nang kiyemeng lusong sa putik. At, in fairview, masarap sa paa ‘yung putik. Anlamig saka anlambot!

Libreng spa. (S)Panalo!

Akala ko talaga e ‘yun na ang pinakamahirap. But I was wrong! Tumawid lang naman ako ng mga ilog para makapunta sa pamayanan ng mga Mangyan. ‘Yung una, jusme, ang lakas ng agos ng ilog dahil maulan kaya imposibleng languyin. Pero may tulay na yari sa kawayan. Kaso lang, medyo madulas at isa lang ang hawakan. To make it worse, hindi pa dikit-dikit ‘yung kawayang tinutungtungan.

But I made to the other side safely naman. Pero hindi pa tapos ang adventure. Nagsisimula pa lang. Pagdating ko sa pangalawang ilog, susmaryosep. Walang tulay! Ang ginawa ko, sa tulong ng dalawang Mangyan, inalalayan akong tumawid sa rumaragasang tubig. Buwis-buhay talaga! Pero sobrang bilib ako sa husay ng mga katutubo. Sumasabay sila sa agos ng tubig habang tumatawid nang patalun-talon.

Ako naman, go with the flow na rin ang drama. Okay na sana, kaso ‘yung tinatapakan naming ilalim e puro bato. Syempre kunwari di ako nasasaktan kahit nagdurugo na ‘yung mga paa ko. Perfect ako e. Tiis-ganda pa rin. Ginusto ko s’ya e. Walang urungan. Laban kung laban!

Ganu’n talaga.

Sobrang laking pasasalamat ko nang malampasan ‘yung pangalawang ilog. Hanggang sa makarating ako sa ikatlong ilog. Jusmiyo marimar! Hindi pa nga nakakahinga ‘yung paa ko sa mga bato, eto na naman ang isa pang nagngangalit na anyong tubig. Sabi ng kasama kong Mangyan, hindi pa raw ganu’n kalakas ‘yun. ‘Pag daw may bagyo, lampas tao, at nagagawa pa rin ng ibang katutubong makatawid!

Nganga.

Mabuti na lang, medyo natuto na ‘ko sa pangalawang ilog. Hindi na rin ganu’n katindi ang agos sa ikatlo kaya naman hindi ako masyadong nahirapan. Nang makatawid, ilang bato at putik na lang ang nilakaran ko nang walang tsinelas. Mas mahirap kasi kapag merong sapin sa paa. Saka hindi naman ako maarte. Minsan lang.

Again, thanks to my kalyo.

P.S.

At dahil napahaba na naman ‘tong pagkukwento ko, itutuloy ko na lang bukas. Sasabihin ko kung bakit dapat mahiya ang mga Tagalog at Manilenyo sa mga Mangyan.

Eto nga pala ‘yung isa sa mga ilog na tinawid ko. Do not be deceived by its looks.