Mga Lihim na Kaalaman

by Sankage Steno

Kahit naglalaro lang ang mga batang Mangyan, kasama na sa paglilibang nila ang pagkakatuto ng mga kakayahang magagamit nila sa paglaki, kahit pa hindi sila makatapos ng kolehiyo at kumita ng totoong “pera.”

Natutunan ko ang isang laro nila na ibinahagi sa ‘kin ng isang madre na 15 taon nang nakikisalamuha sa mga katutubo. Ganito ‘yung rule ng laro. Kailangan ng puso ng saging at matutulis na patpat o sanga ng puno. Ang mga bata ay aakyat sa burol at doon magsisimulang maglaro.

Pagugulungin nila ‘yung puso ng saging pababa sa burol. Habang gumugulong pababa, isa-isang aasintahin ng mga bata ang puso at sisibatin. Ang s’yang may pinakamalapit na tama sa gitna o ‘yung napuruhan talaga ang puso ng saging ang s’yang ituturing na panalo.

Simple lang, di ba? Pero kung tagapatag ka, iisipin mo, ba’t kailangan pa nilang padausdusin ‘yung puso ng saging mula sa taas ng burol? Bakit di na lang nila ipatong sa isang mataas na lugar at asintahin na parang naglalaro ng dart?

Ang sagot ng gurangon o elder nila, kaya raw kailanging pagulungin mula sa burol e dahil katumbas daw ng bilis nito ang bilis ng takbo ng isang baboy-ramo. Ibig sabihin, ‘yung laro nilang ‘yon ay hindi lang libangan kundi training na rin para sa mga bata kung pa’no mangaso o manghuli ng mga maiilap na hayop, tulad nga ng baboy-ramo.

Astig, ‘no?

Eto pa. Ang bahay ng isang Mangyan ay karaniwang yari sa kawayan at kugon. Madalas, kulang-kulang pa ang dingding nila. Sa loob naman nito, naroon din ang iba pang mga hayop, gaya ng aso, manok, baboy, atbp, na kasama nilang naninirahan doon.

Kung makikitira ang isang tagapatag sa kanila at matutulog du’n ng isang gabi o ilang araw, siguradong hindi n’ya ikakatuwa o baka hindi s’ya maging komportable na kasama ang napakaraming hayop. Malamang sa malamang e paalisin n’ya ang mga hayop o s’ya ang lilipat.

Pero may paliwanag ulit ang mga Mangyan dito. Para sa kanila, kailangan ang hayop para pampadagdag init sa kanilang bahay. Hindi kasi sapat ang kawayan at kugon para salagin ang lamig ng hangin at ulan, lalo na kung may unos. Bukod pa d’yan, nagiging panangga rin nila ang mga alagang hayop laban sa lamok.

Bakit kamo? Kasi, sa halip na silang mga tao ang kagatin ng mapanganib at mapang-inis na lamok, ‘yung mga hayop muna ang uunahin nilang sipsipan ng dugo. So may natural heater ka na, may bonus pang mosquito repellent.

In fair!

Dati rin, hindi pa uso ang pera sa mga Mangyan. Ang sistema nila ay bigayan o palitan. At bawal na bawal sa kanila na ‘yung magkapatid ay nagbibilihan ng kung ano mang meron sila.

Ang sabi ng gurangong nakausap ko, kapag daw may kailangan ang isang Mangyan sa kanyang kapwa, pwede s’yang manghingi rito, at agad naman daw s’yang bibigyan. “Ask and you shall receive” ang peg. Kung may ipapalit naman daw s’yang kalakal tulad ng palay o baboy o manok, pwedeng iyon ang kanyang “pambili.” Barter kumbaga.

Pero iba ang barter sa kanila. Kasi, hindi mahalaga kung ga’no kalaki o karami ang ipapalit nila. Kung may isang kaban silang palay at kailangan lang nila ng isang gulay o maliit na manok, pwede pa ring magpalitan. Parang unfair, ‘no? Pero hindi unfair sa kanila ‘yun. In fact, gaya nga ng sabi ko, minsan nga, kahit walang kapalit, nagbibigayan sila. Ganu’n sila ka-generous sa isa’t isa, maging sa mga tagapatag.

Kaya kung minsan, ‘yung mga ani nila, nakukuha ng mga tagapatag sa napakamurang halaga. Madalas nga, naloloko o naaabuso pa ‘yung mga Mangyan.

Ang sabi ulit ng gurangong nakausap ko, kaya raw ganu’n e dahil lagi nilang iniisip na, pa’no kung wala na silang maipapalit sa nangangailangan sa kanila, hahayaan na lang ba nilang magutom ito o maging miserable? Syempre hinde. Kaya kung may maibibigay, ibibigay nila o ipapalit kahit ano pa ang dami, timbang at laki nito.

Kung may mang-abuso man, hindi na nila kasamaan o kalabisan ‘yun. Basta sila, nakapagbigay o nakapag-ambag sa kapwa, ayos na.

Ibang-iba talaga ang kultura at sistema ng mga katutubong ‘to. I wonder kung ganito talaga tayo kababait noon bago pa nasakop ng mga banyaga. Well, I know marami pa naman sa ‘ting mga tagapatag ang generous and kind, at sigurado akong hindi pa huli para gayahin ‘yung ilang katutubong kaugalian at sistema nitong mga kababayan nating nasa laylayan ng lipunan.