Ciao Marco

by Sankage Steno

Nabigla ako noong isang taon nang mabalitaan kong namatay ‘yung dati kong estudyante, si Palmer. Isa pa naman s’ya sa pinakamatalino kong mag-aaral, kaya may halong panghihinayang. Idagdag mo pa rito na namatay s’ya dahil sa cardiac arrest sa napakamurang edad.

Ngayon naman, unang-unang tumambad sa ‘kin pagbukas ng Facebook ang balitang namatay na rin pala ang isa kong ka-batch sa college, si Marco. Sabi ng isa kong kaibigan, heart failure daw. Hindi ko alam kung inatake rin ba o dati na s’yang may kondisyon sa puso at kagabi tuluyang bumigay.

Hindi kami close ni Marco, pero madalas kaming magkita at magkasama noon sa College of Mass Communication. Nagkakausap kung minsan, nagkakabiruan at nagkakasama sa mga pangyayari sa loob ng campus.

Hindi s’ya mahirap tandaan dahil sa kanyang buhok. Ang haba kasi. Feeling ko nga mas mahaba pa s’ya ngayon, kasi never kong nakitang pinagupitan n’ya ‘yon. Nakakapanghina lang isipin na hindi na hahaba ‘yon kahit kailan.

Una’t huling nag-text sa ‘kin si Marco nu’ng 2008. Kaka-graduate ko pa lang noon, at kakapanalo sa isang game show sa telebisyon. Wala na ‘ko nu’n sa CMC, at di pa ulit nakakabalik sa UP Campus, pero dahil sa mensahe ni Marco, parang naibalik n’ya ‘ko bigla sa aming Alma Mater.

Sabi n’ya, “You’re all over the campus.”

Hindi na n’ya kinailangang magdagdag pa ng detalye. Naintindihan ko na agad kung ano ‘yung ibig n’yang sabihin. Ako naman, kinilig, natuwa. Syempre, sino ba namang hindi sasaya kapag nakatikim ng kaunting kasikatan, kahit man lang sa malawak na campus ng UP.

Hindi ko na rin maalala kung ano ‘yung ni-reply ko sa kanya. Nagpasalamat yata ako at tumawa sa text. Wala na rin akong nabalitaang masyado sa kanya, maliban na lang sa kung ano ‘yung mga pino-post n’ya sa Facebook. At natuwa akong malaman na, gaya ko, mahilig din s’yang gumala sa kung saan-saan.

Pero ngayon, siguro, mas malaya na s’ya. Kahit saan n’ya gustong pumunta, kahit ano pang gawin n’ya, pwedeng-pwede na. Ang kaibahan lang ngayon, hindi ko na ‘yon makikita o mababalitaan sa Facebook.

Paalam, Marco. Sana hindi ako makalimot, lalo na ‘yung mas malalapit mong mga kaibigan. Sayang at di tayo nagkatrabaho man lang nang mas mahaba-haba. Pero ganu’n talaga. Wala tayong magagawa. So let me just tell you this, kahit medyo off, pero kasi makahulugan ‘to para sa akin…

You’re all over the campus.