Love at First Blood

by Sankage Steno

Ipinaglalaban ka nang buong husay at lakas,
nakikipagpatayan para ikaw ay iligtas.

Ang lagi kong paalala, “Wag kang aggre sinabe.
I-push mo lang nang i-push hanggang mabasag ‘yung tore.”

Ngunit sadyang mapangahas ang isang katulad mo,
hinahamak ang lahat at wala kang sinisino.

Kahit gamit lang ay bracer, susugod sa kalaban,
aabangan sa puno’t aatake sa likuran.

Wala akong ibang choice kundi sa ‘yo’y umalalay,
magpapasunod kuno habang ika’y nakabantay.

Ako ay magpapatama sa herong humahabol,
susubukang bumawas sa buhay ng pumapatol.

Habang abala kami, bigla ka namang susulpot,
gagamitan ng last skill para kalaba’y makupot.

Sa taranta ng kaaway, ako ang pinuntirya.
Na-stun, na-Dagon, na-Finger at pinagbibira pa.

Duguan at sugatang ako sa ‘yo’y nakamasid,
natutuwang makitang nagngangalit ang ‘yong litid.

Kung sakali mang wala akong buhay na tatambad,
balewala sa ‘kin ‘yon basta ika’y naka-first blood.