14th Floor

by Sankage Steno

Isa akong yuppie. Nagtatrabaho ako sa isang sikat na call center company sa Makati. Medyo matagal na rin ako sa kumpanyang ‘to kaya naman may kalakihan na ang aking sweldo. Halos kalahati ng kita ko ay napupunta sa pagbabayad ng condo unit na tinitirhan ko ngayon. Oo, malaki ang bayad, mahal, pero okay na rin kesa naman mag-uwian ako sa Pampanga araw-araw.

Dito ako sa 14th floor nakatira. Ang weird lang. Wala kasing 13th floor. Pagkatapos ng 12, 14 agad, so kung tutuusin, sa pang-13 na palapag talaga ako nakatira. Hindi naman ako naniniwala na malas o swerte ang 13. Ang pinaniniwalaan ko lang ay ang dapat kong bayaran buwan-buwan.

Katulad ngayon.

Magbabayad dapat ako sa bangko para sa hinuhulugan kong condominium. Sakto na ‘yung pambayad ko, pero hindi naman ako makalabas dahil sa matinding ulan. Malaman-laman ko pa, hindi rin pala bukas ‘yung bangkong paghuhulugan ko ng bayad. Wala silang operations ngayon dahil sa matinding ulan na hinatak ni Bagyong Maring dito sa Kamaynilaan.

Heto ako ngayon, nakatanga sa tabi ng bintana, tinatanaw ang katapat na gusaling isa ring condo. Halos kasintaas nito ang tinitirhan ko kaya kung anong bintana ang katapat ko ngayon e nasisiguro kong 14th floor din. O 13, depende kung hindi naniniwala sa malas ‘yung contractor nito.

Teka, may tao sa katapat kong bintana. Nagmumuni-muni rin yata tulad ko. Baka hindi rin s’ya makababa dahil sa lakas ng ulan. Baka magbabayad din s’ya dapat sa bangko, kaso nalaman n’yang sarado pala, kaya siguro naisipan n’yang tumunganga na lang din sa tabi ng bintana.

Oh shit! Nakatingin ba s’ya sa ‘kin? Nakita kaya n’ya ‘kong nakatingin sa kanya kanina? Dyahe naman kung nagkataon. Pero saglit yatang nagtama ‘yung paningin namin. Tae, nakakahiya. Baka isipin n’yang pinapanood ko s’ya. Well, pinapanood ko naman talaga s’ya, pero hindi ko s’ya pinapanood dahil gusto ko. Pinapanood ko s’ya dahil nagkataong s’ya ‘yung nasa tapat ko.

Bakit ko ba pinapaliwanagan ‘yung sarili ko?

At bakit nakatingin pa rin s’ya sa direksyon ko? Gusto ba n’yang makipag-eye contact sa ‘kin ulit? Para saan? May gusto ba s’yang sabihin sa ‘kin? Gusto ba n’yang makipagkilala? Bakit naman s’ya makikipagkilala sa ‘kin? Wala ba s’yang kasama sa bahay n’ya? Wala ba s’yang mga kaibigan? Kapatid? Magulang? S’ya lang bang mag-isa ang nakatira du’n?

Ayan, lumihis na s’ya ng tingin. Buti naman. Akala ko e hindi na n’ya tatantanan ang pagtingin sa direksyon ko. Nakakailang kaya, saka ang lungkot. Parang malungkot ‘yung mga mata n’ya. Parang naghahanap ng ibang makakaramay sa kung anu man ‘yung nasa sa loob n’ya. O baka naman imahinasyon ko lang ‘yun? Ako lang siguro nagbibigay ng kahulugan sa nangungusap n’yang mga mata. Imposible namang sa isang sulyap e malaman ko agad ang nararamdaman n’ya.

Ano ba ‘yung tinitingnan n’ya sa baba? Basang kalsada? Mangilan-ngilang sasakyan? Wala namang interesanteng makikita du’n. Halatang wala ring magawa ‘tong taong ‘to. Pareho lang kami ng kalagayan.

Oh shoot! Nakatingin na naman s’ya! Makikipagtitigan din ba ‘ko o aalis na lang? Nakakakilabot na ‘to. Baka kung ano naman isipin n’ya kung susuklian ko ‘yung tingin n’ya. Pero para talagang malungkot ‘yung mga mata n’ya. Hindi ako pwedeng magkamali. Kilala ko ‘yung tingin na ‘yun. Pero di ako dapat magpahalata. Nakakahiya.

Teka, ba’t nakakahiya? Dahil sa hindi kami magkakilala? Pero halos lahat naman ng magkakaibigan nagkakilala muna sa unang sulyap bago sa unang salita. A ewan! Kung anu-ano na tuloy pumapasok sa isip ko dahil sa taong ‘to. Kung ba’t naman kasi ayaw n’yang iiwas ‘yung tingin n’ya. Ayan na naman s’ya, parang kinukumbida talaga akong makipagtitigan sa kanya. Pagbibigyan ko na ba?

Hindi naman n’ya siguro ako masasaktan kung titigan ko s’ya. Pareho kaming nasa 14th floor, pero magkaiba ang building namin. Imposible namang magawan n’ya ‘ko ng kung ano mula sa kinalalagyan n’ya. Papatulan ko na ba? Ngayon na ba? Ngayon na? Sige na nga. Titingin na ulit ako. Ano ba ‘tong ginagawa ko? Titingin na talaga ako. Eto na. Eto na talaga…

Ano…

Ang mga mata n’ya. Malungkot talaga… at… at may kislap. Dala ba ‘yun ng ulan o talagang may nakita akong kuminang? Ano ba naman ‘tong utak ko? Kung anu-ano na lang ang pinapasok sa isipan ko. Pero may nakita talaga ako e. Hindi ako pwedeng magkamali.

E ano naman kung kumislap? Ano naman sa ‘kin? Wala namang kahulugan ‘yun. Dala lang nga siguro ng tubig. Hindi ko dapat masyadong pinapalaki ang mga bagay-bagay sa isip ko. Kaso hindi ko maiwasang gawin ‘yun habang nakatitig sa kanyang mga mata ngayon. Parang… parang nakakadala. Parang pati ako e nalulungkot na rin. Kailangan kaya n’ya ng tulong ko? Kailangan kaya n’ya ng kausap?

Hindi naman siguro. ‘Wag naman sana. Pero ayos lang. Sa totoo lang, okay lang naman sa ‘kin kung gusto n’yang makipag-usap. Mabuti na rin siguro ‘yun kesa sa sarili ko lang ang kinakausap ko ngayon. Mukha naman s’yang mabait. Isang mabait na taong may pasan-pasan. Kung anu man ‘yon, hindi ko malalaman kung sa titig lang ako aasa.

Ay, saglit, ga’no katagal na ba kaming nagtitinginan? Isang minuto? Dalawa? Lima? Parang ang tagal-tagal na. Hindi naman nakakasawa. Medyo may kurot, pero hindi naman masama sa pakiramdam. Actually, parang gusto ko nga. Teka, gusto ko na? Oo nga, gusto ko na yata ‘tong ginagawa namin. Ang weird ko talaga, I mean, namin. Ang weird namin. Ito pa talaga ang napagtripan naming gawin ngayong araw na maulan.

At talagang hindi kami pareho lumulubay. Naaadik na yata ako sa malulungkot n’yang mata. Pati yata ako e nakakaramdam na rin ng kaunting kurot sa dibdib. Misery loves company talaga. Pero hindi naman ako talaga miserable. Nadadala lang ako ng nangungusap n’yang titig. Sana naiintindihan din n’ya ang ibig sabihin ng pagsagot ko sa kanyang tingin. At sana malaman n’yang gusto kong mawala ang lungkot sa kanyang mga mata… pero hindi ang kislap.

A… e… shit, shit, shit! Nakangiti na ba s’ya? Nginingitian ba n’ya ‘ko ngayon? Tae, nakangiti nga s’ya. Sa akin. Hindi ko maintindihan. Ang malungkot n’yang mga mata at ang ngiti sa kanyang mga labi…

Patay.