Mga Yabag sa Fire Exit

by Sankage Steno

May sasabihin ako. Ilang beses nang nangyari ‘to sa ‘kin, pero ngayon lang ako nagkalakas ng loob na ikwento. Pero bago ang lahat, gusto kong i-click mo itong link at hayaan lang. Kahit di mo na tingnan, ayos lang. Ituloy mo lang ang pagbabasa.

So ganito lagi ang gawi ko. Kapag kaharap ko ang laptop ko, madalas e hindi ko namamalayan ang paglipas ng oras. Minsan kalahating araw na pala akong nagbababad sa computer e hindi ko man lang napapansin. Pero napapansin ko naman ang lahat ng nangyayari sa paligid.

Kapag nasa condo ako, gustung-gusto kong tumatambay sa may fire exit. Katapat lang kasi ng pinto namin ‘yun. Mahilig akong maglagi du’n kasi mahangin, malamig, presko. Kahit walang aircon o electric fan, hindi ako pinagpapawisan. At dahil sobrang lapit lang sa unit ko, sobrang convenient talagang gawing tambayan.

Isang gabi, siguro mga 7:30, pagkatapos kong kumain ng hapunan, kinuha ko ‘yung laptop sa kwarto at pumwesto na sa may hagdan sa loob ng fire exit. Bale nasa likod ko ‘yung pintong one-way, meaning sa labas lang o sa hallway pwedeng buksan at hindi sa loob ng fire exit, ta’s nasa harapan ko naman ‘yung isang bintana na tanaw ang EDSA kapag dumungaw ka. So, ayun, upo na ta’s bukas ng Facebook.

Pagka-type ko ng username at password, matapos kong i-enter, bigla na lang lumamig ‘yung paligid. Inisip ko na lang na baka dahil lumakas ‘yung ulan at hangin sa labas. Natuwa pa nga ako kasi ang sarap kako sa pakiramdam. Parang ang sarap ng may kayakap o katabi tuloy.

Hindi ko binubuksan ang ilaw sa fire exit, so ang ilaw lang na tumatanglaw sa ‘kin e either ‘yung galing sa unit o ‘yung mga bumbilya sa hallway. Ayoko rin kasing mag-aksaya ng kuryente. Ta’s bigla kong nakita sa gilid ng mata ‘yung pagdaan ng isang anino. A, baka ‘yung gwardya na nagroronda na sa bawat floor, sabi ko sa isip. Pagka-tap ng ID n’ya sa dulo ng hallway e for sure aalis na s’ya, so hinintay kong dumaan ulit ‘yung anino n’ya.

Walang bumalik na anino.

Nakakapagtaka ring hindi ko narinig ‘yung yabag n’ya samantalang hindi naman ako naka-earphones. Lumingon ako sa likuran at inantay ulit kung may dadaang gwardya. Wala talaga. Tumayo ako at sinilip ang hallway. Walang tao. Ako lang.

Balik ako sa pwesto ko. Hindi ko na lang pinansin. Baka namalikmata lang, ganu’n. Pinagpatuloy ko lang ang pagbabasa sa mga posts at status ng mga friend ko sa Facebook. Habang nalilibang sa pagba-browse, nakarinig ako ng maliliit na ingay. Parang may mga naglalaglagang pebbles sa hagdan. Tingin ako sa kanan kung sa’n nanggagaling ‘yung tunog, hanggang sa makita ko ‘yung tatlong holen na gumugulong pababa sa bawat baitang ng hagdan.

Sino kaya nakahulog? Ang weird kasi parang sinundan ng mga holen ‘yung direksyon ng hagdan na pa-clockwise ang ikot kung pababa. Tayo ulit ako at tumingala sa taas para silipin kung may batang nakahulog nu’ng tatlong holen.

Walang bata o kahit na sinong tao.

Madilim ang taas. Tanging ‘yung floor ko lang ang may konting liwanag na nanggagaling sa hallway. Dahil wala naman akong nakita, binulsa ko na lang ‘yung mga holen at binalikan ang aking laptop. Tuloy pa rin sa pagbabasa.

Ilang minuto lang matapos kong makaupo ulit, narinig ko namang may nahulog na naman. This time, sa ibabang floor. May kung anong metal na tumatama sa mga harang sa gilid ng hagdan habang nahuhulog. Siguro barya o ballpoint pen o metal box. Basta dinig mo talaga ‘yung tamaan ng mga bakal.

Silip ulit ako sa mga siwang sa harang ng hagdan. Wala naman akong makita kasi sobrang dilim din sa baba. Medyo kinabahan ako pero hinayaan ko pa rin. Tingin na lang ulit sa monitor para mawala sa isip ‘yung mga nagbabagsakang mga bagay. Sobra kasing burara mga tao sa condo minsan, kung anu-ano na lang ang aksidenteng nalalaglag na gamit.

Nagbasa naman ako ng mga balita. Habang namimili sa mga headlines sa napili kong website, nakita kong may anino na namang dumaan sa likuran ko. Mabilis, parang patakbo, nagmamadali. Naramdaman ko pa ‘yung kaunting hangin na nagagawa kapag medyo malapit ka sa isang taong nilampasan ka habang tumatakbo. Lingon naman ako bigla para tingnan kung ‘yung gwardya na ba ‘yun. Hinintay ko ulit s’yang bumalik.

Wala na namang bumalik.

Tiningnan ko ulit kung kanino galing ‘yung aninong dumaan. Pagkatingin ko sa hallway, wala na namang tao. Ako lang talaga ang andu’n. Babalik na sana ako para kunin ‘yung laptop nang makarinig ako ng langitngit ng lubid. ‘Yun bang parang hinahatak para higpitan o ‘yung tunog na may nakataling pabigat sa dulo nito at nakalambitin. Ganu’n ang tunog.

Kinilabutan na ‘ko kaya palukso kong hinablot ‘yung laptop ko. Lalabas na sana ako, pero bago pa ‘ko makaabot sa pintuan, sumara bigla ‘yung pinto ng fire exit. Kasinlakas yata ng kalabog ng pinto ‘yung kabog sa dibdib ko nu’ng mga sandaling ‘yon. Sobrang natatakot na talaga ako. Bitbit ko sa kaliwang kamay at braso ‘yung laptop habang pinangkakatok ko naman ‘yung kanan kong kamay sa pinto.

Sumigaw na ‘ko ng ‘pabukas ng pinto’ para sa kung sino mang kapitbahay na unit na makakarinig. Sa sobrang takot ko e hindi ko na alam kung ga’no katagal akong nagkakakatok at nagsisisigaw sa loob ng madilim na fire exit.

Natigilan ako nang mapansing wala na ‘yung langitngit ng lubid. Napalitan na. Nakarinig ako ng mga yabag ng paa, isang galing sa taas pababa at isang galing sa baba paakyat. Mabagal lang ‘yung mga yabag na para talagang nananakot. Hindi ako tumitingin sa likod dahil ayokong makita kung sino o ano man ‘yung mga papalapit sa ‘kin. Sigaw lang ako nang sigaw at katok nang katok.

Naiiyak na talaga ako sa takot.

Palakas nang palakas ‘yung mga yabag ng paa kaya alam kong mas malapit na sila. Nagmamakaawa na ‘ko nu’n at kung anu-ano nang tulong ‘yung pinagsisisigaw ko para lang may magbukas ng fire exit. Siguro mga tatlo o apat na hakbang na lang ang layo sa ‘kin nu’ng mga yabag. Nakakita ako ulit ng anino sa siwang ng pintuan at napahakbang palayo sa pinto.

Naramdaman ko ‘yung hininga ng kung anuman sa batok ko, ta’s sobrang nanlamig ako na parang pumasok ako sa freezer ng ref. Biglang bumukas ‘yung pinto ng fire exit at nakita ko ‘yung gwardya. Takbo agad ako palabas at walang lingun-lingong hinatak ko ‘yung pinto pasara. Gulat na gulat ‘yung gwardya sa ‘kin. Napamura pa.

Hawak-hawak ko pa rin ‘yung handle ng pinto gamit ang kanang kamay at pinapakiramdaman kung may hahatak sa kabilang panig nito. Ilang minuto rin akong nasa ganu’ng pwesto, pero wala namang humatak. Nagkatinginan kami ng gwardya, ta’s napansin kong natatakot na rin s’ya.

Dahan-dahan kong binitawan ‘yung pinto saka biglang takbo sa likod nu’ng gwardya. Tinitigan namin pareho ‘yung fire exit nang ilang saglit pa. Tahimik na. Wala na ‘yung mga yabag. Hinarap ako ulit nu’ng gwardya at sinabihang pumasok na sa unit ko at ‘wag na raw pumunta sa fire exit ‘pag madilim na. Sinunod ko naman s’ya. Pumasok ako at umalis na rin ‘yung gwardya.

Naupo ako sa sofa. Natatakot pa rin ako. Huminga ako nang malalim at hinimas-himas ‘yung nangangatog kong mga hita at binti. Du’n ko nasalat ‘yung bulsa ko. Pagdukot ko, wala na ‘yung tatlong holen na nakuha ko kanina.