Million People March to Luneta

by Sankage Steno

Magkalinawan muna tayo. Gusto mo bang ninanakawan ka ng pera? Syempre hinde. Para sa mga hindi makakuha, ninanakawan tayo sa tuwing ibubulsa ng mga pulitiko at ni Napoles ang pera nating galing sa pork barrel fund. Pera natin ‘yon kasi galing ‘yon sa tax na binabayad natin.

Sa tuwing manonood ka ng sine, parte ng bayad mo e napupunta sa tax. Sa tuwing kakain ka sa Jollibee, McDonald’s, etc., parte ng bayad mo e napupunta sa tax. Sa tuwing sasakay ka ng pampublikong sasakyan, parte ng bayad mo e napupunta sa bayad sa gasolina na kinukuhanan din ng malaking tax. Kapag namimili ka sa palengke o grocery store, parte ng bayad mo e napupunta sa tax. Kapag nagtatrabaho ka naman, parte ng sahod mo e binabawas at napupunta sa tax.

At ang mga taxes na ‘yon e napupunta naman sa bulsa ng mga pulitiko.

Kung hindi ka pa rin convinced na ninanakaw ng mga taong ‘to ang pera natin, ewan ko na lang sa ‘yo.

Tayo ang mga boss ng mga pulitikong ito. Tayo ang naglagay sa kanila sa pwesto. Tayo ang nagpapasweldo sa kanila. At tayo rin ang bumubuhay sa kanilang mga pamilya. Kaya naman tayo dapat ang sinusunod nila. Tayo ang boss! Sa’n ka naman nakakita na ang boss pa mismo ang sunud-sunuran sa kanyang mga empleyado? Hindi boss ang tawag du’n kundi ‘tanga.’

At dahil tayo ang boss, tungkulin nating singilin ng trabaho ‘tong mga nakaluklok sa pwesto. Tungkulin nating masiguro na nagtatrabaho sila nang maayos. Tungkulin nating siguruhin na ‘yung binabayad natin sa kanila e nagagamit nang husto sa tamang paraan. At kung kinakailangan, tungkulin din nating patalsikin sila sa pwesto.

Ngayong malinaw nang tayo ang boss at ninanakawan tayo ng mga empleyado nating pulitiko, panahon na para panagutin ang mga magnanakaw at sibakin ang mga dapat sibakin sa pwesto, ga’no man sila karami, ga’no man kataas ang posisyon nila, at ga’no man kalaki ang “naiambag” nila sa bayan.

Pa’no natin gagawin ‘to? Maraming paraan, pero ang isang pinakamadali ay ang magtipon-tipon tayo, parang People Power.

Sa Lunes, August 26, walang pasok. Pumunta tayo sa Luneta para utusan ang mga empleyado nating pulitiko na tanggalin ang pork barrel at imbestigahan at panagutin ang lahat ng sangkot sa pork barrel scam. Ipaalala natin sa kanila kung sino ang talagang boss. Ipakita natin na sa bansang ‘to, ang lahat ay bayani. Tayo ‘yon. It’s National Heroes Day, remember?

Umulan man o umaraw, tuloy ang “picnic” natin sa Luneta sa darating na Lunes. Magdala ka ng kaibigan o kapamilya. Lahat ay imbitado. Wala itong kulay o lupon o samahang pinapanigan. Para ito sa Pilipino. Para sa atin. Trabaho natin ‘to. Ayaw nating ninanakawan tayo. Ayaw nating ginagawa tayong tanga ng mga pulitikong pinapasweldo natin.

Kaya magkita-kita tayo sa Lunes sa Luneta.

Advertisements