Tuloy pa rin ang Martsa

by Sankage Steno

Kakasabi lang ni Pangulong Aquino na panahon na raw “para i-abolish ang pork barrel.” Well and good, pero hindi ibig sabihin nito e tapos na ang pakikipaglaban sa korapsyon. Nawawala pa rin si Napoles, at hindi pa rin natin alam kung sinu-sino ang mga pulitikong nakinabang sa pork barrel na para dapat sa nasasakupan nila.

See the news here. Narito naman ang buong pahayag ni PNoy.

Hindi pa rin tayo nakakasigurong tototohanin ni PNoy ang pagtanggal sa pork barrel. Posibleng palitan lamang n’ya ito ng pangalan at gumawa ng panibagong proseso para makapagbigay ng pondo sa mga miyembro ng Kongreso.

Sa katunayan, sinabi rin n’ya sa presscon na gagawa sila ng panibagong mekanismo para mapunan ang pangangailangan ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa paraang patas at tapat. Hindi na rin daw padadaanin sa NGOs at GOCCs ang pondong manggagaling sa kaban ng bayan.

Mabuti naman kung gano’n. Mabuti kung tototohanin, paninindigan, gagawing permanente at hindi na mauulit pa ‘yung nangyari ngayon. Mabuti kung tuluyang mababawasan ang katiwalian sa gobyerno, pati na rin sa pribadong sektor.

Pero hindi pa rin tapos ang laban. Marami pa ring mambabatas ang lumabag sa batas. Marami na tayong ninakawan. Marami nang nalamangan at nadaya sa atin. Ilang taon na tayong inuutakan at sinasamantala ng mismong gobyerno natin. Kung marami na sa inyo ang nasanay na, ako hindi.

At sana marami pa ring katulad ko.

Umulan man o umaraw, i-abolish man ng pangulo ang pork barrel ngayon, mahanap man si Napoles at makulong kasama ng iba pang mga tiwaling pulitiko, tuloy na tuloy pa rin po ang martsa natin sa Luneta sa Lunes.