Hanggang Tingin Na Lang

by Sankage Steno

Kapag nakakakita ako ng artista o kahit na sinong sikat, hindi ako naii-starstruck. Sobrang dalang na mapapatigil ako at either mag-gawk o mag-ogle. I know ang ilan sa kanila ay magaling talagang umarte o kumanta o sumayaw, pero there’s something in me na kapag nakita ko na sila e parang nababawasan bigla ng kinang.

Ewan, siguro dahil more often than not e mas matangkad ako sa kanila. Yes, ako na. Ako na ang hindi pandak. Pero ‘yun talaga ang unang pumapasok sa isip ko kapag nakakakita nga ng mga sikat na tao. Laging, “Ay, mas matangkad pa pala ako sa kanya.”

Downgrade

Although hindi ko naman nilalahat. Marami sa kanila ang mas matangkad sa ‘kin, pero ganu’n pa rin ang reaction ko, ‘yung tipong, ay, maputi lang pala s’ya. O kaya naman e, ay, maganda lang ‘yung make up o ‘yung suot. Automatic na sa utak kong ida-“downgrade” ko sila. Siguro salbahe lang talaga ako. Siguro.

Pero kanina, nu’ng mapunta ulit ako sa ABS-CBN dahil naman sa isa kong kinover na event, nakita ko ‘yung crush kong artista. As in pagpasok ko pa lang ng gate, andu’n na s’ya at pinagbibigyan ‘yung ilang fans na nagpa-picture sa kanya. Ewan, automatic pa rin naman ‘yung pag-downgrade ko, pero nahulog yata ako.

Wala namang spark, pero para talagang sumakay ako ng Space Shuttle sa Enchanted Kingdom at bumulusok pababa ‘yung pakiramdam ko, from dibdib to du’n. Talagang tiningnan ko s’ya at nag-second look, then third, then fourth. Andami, pramis.

Ang kinis-kinis ng mukha n’ya, ta’s ampayat. Hindi ko alam kung ano pa kinakain n’ya. Kay yaman-yaman tapos hindi kumakain. Ano ba ‘yun? Pero sobrang crushable talaga, lalo na siguro kapag nagpe-perform s’ya. Ta’s ang ganda-ganda pa ng porma n’ya kanina. As in high fashion talaga. Parang ‘yung mga tao lang sa Hong Kong o Tokyo kapag winter season.

Inggit

Medyo nainggit nga ako e, pero mas nahulog talaga ako, pramis. Hindi ko maikakaila ‘yung naramdaman ko kanina. I mean, lolokohin ko pa ba ‘yung sarili ko? Hindi naman ako senador o kongresista.

Sayang lang talaga at hindi kami nagkadaupang-palad mismo. Kailangan ko kasi agad pumunta du’n sa 9501 para sa launch ng isang bagong show sa Lifestyle Network. Buti na lang nag-C.R. muna ‘yung kasama ko sa Starbucks. E saktong pumasok din du’n si crush na artista after makipagkodakan sa mga panget na fans (Ingget?). Ayun, more time to gawk and ogle and make nakaw-tingin.

Hanggang tingin lang naman ako e, tayo, tayong mga mortal beings.