Kapag Nag-iisa sa Silid

by Sankage Steno

Maaraw dito sa Ilocos, kaya naman ang hirap mag-emote. Nakakaganda kasi ng mood ‘yung magandang sikat ng araw, parang ayaw akong pagbigyan sa aking pag-iisa. Pag-iisa talaga? Sige, ipilit natin.

Nagising ako kaninang medyo mababa ang energy. E syempre kapag ganyan ang gising mo sa umaga, tatamarin kang gumalaw o magtrabaho. Tapos naisip ko pa ‘yung mga nakaraan kong masasakit sa dibdib. Well, sorta. I’m sooo over it already. Masarap lang talagang saktan ang sarili paminsan-minsan. Nakakaadik.

So ayun, medyo emotero kanina. Kaso lang, pag-angat ko ng kurtina sa kwarto, ang ganda ng umaga. At paglabas ko naman sa aking silid, tumambad sa ‘kin ‘yung matingkad na silahis ng araw, pati na ‘yung dagat. Heaven.

Talbog ‘yung pagka-emo ko.

Dalawang araw na kasi akong walang kasama man lang sa hotel rooms na tinuluyan ko, at may dalawang araw pang natitira bago ako makabalik sa Maynila. Ibig sabihin, dalawang gabi pa ‘kong magtitiis sa takot na baka may kung anong humatak sa paa ko ‘pag natutulog na.

Medyo tiis-tiis din sa pangangati dahil walang pwedeng kumamot. Ang hirap din minsan kapag sariling kamot, alam mo na. Mas masarap pa rin kung iba ‘yung kumakamot. Ayoko namang magbayad ng tagakamot. Mahirap na, di ba? You don’t have to agree with me. Sinasabi ko lang.

Mamaya, lilipat na naman ako ng ibang lugar, so pang-nth ko nang hotel ‘to sa trip (work) ko ngayon. ‘Yung susunod kong tutuluyan e napuntahan ko na dati. Ang kaibahan lang, may mga kasama ako noon sa kwarto, so masaya. Tingnan lang natin mamayang gabi kung may makakasama ako. Sana naman ‘wag si Bathsheba.

Sana si ano na lang o kaya si ano. Pwede na rin si ano, pero gusto ko talaga si ano.

Oh well, time to work. Lulubusin ko na ang maraming sunshine para hindi ako maubusan ng energy mamaya. Susubukan ko ring humanap ng makakasama sa kwarto (o sa habambuhay. Hi hi!). Magandang umaga!