Sayonara, Miyazaki

by Sankage Steno

Magre-retire na raw si Hayao Miyazaki. Nakakaiyak.

Para sa mga hindi nakakakilala sa kanya, si Hayao Miyazaki ang founder ng Studio Ghibli, ang gumawa ng napakaraming magical, memorable at heartwarming animated films gaya ng Spirited Away, My Neighbor Totoro, Howl’s Moving Castle, Princess Mononoke, at ang paborito kong Kiki’s Delivery Service.

Eto sya:

Aaminin kong bagong fan lang ako ni Miyazaki. Less than two years pa lang akong nakaka-appreciate ng mga gawa n’ya, pero naririnig ko na noon pa ang mga nilikha n’yang animated feature films. Hindi ko lang maintindihan ang sarili ko kung bakit hindi ko pinapansin noon.

Siguro dahil mas adik ako sa anime, o ‘yung mga series tulad ng Naruto, One Piece, Ghost Fighter, HunterxHunter, etc. Siguro rin e mas familiar ako sa gawa ng Pixar at Disney. Masyado kasing western ang culture natin. Pati tuloy ako e masyado na ring naging western. Kasalanan ko ba ‘yun?

Nalulungkot ako kasi baka hindi na masundan ‘yung mga ganu’ng klaseng pelikula; ‘yung may halong magic pero hindi pilit, ‘yung tipong ang gaan-gaan sa dibdib na kahit batang hindi nakakaintindi ng English o Japanese e maliligayahan at, somehow, e mage-gets ‘yung story, ‘yung tipong may kurot sa dibdib na ansarap sa feeling.

Hindi ko alam kung makakagawa pa ulit ng ganu’n in the near future o kung may makakatapat pa sa galing n’ya.

Kung meron man, siguro e matagal-tagal pa ang hihintayin ko. Pero ang ikinababahala ko talaga e ‘yung signature taste ni Miyazaki. Mararamdaman mo kasi na gawa n’ya e. Iba s’ya. Kumbaga sa pagkain, may distinct taste. Kumbaga sa musika, may distinct sound. Nakagawa si Miyazaki ng sariling “flavor” sa animation, at maraming humahanga at gumagaya sa kanya.

Wala akong pakialam kung ipagpapatuloy man ng anak n’ya ang kanyang nasimulan. Anak ‘yon, ibang tao. Hindi ko sinasabing hindi s’ya magaling, pero iba pa rin ang original o ‘yung kinalakhan mo.

Parang paboritong shorts o pambahay mo lang ‘yan e. Kahit anong ganda pang damit ang ibili sa ‘yo ng magulang mo, kahit ga’no kamahal pa ang mga kasuotang makita mo sa malls at boutiques, kahit anong tatak pa ang damit na ‘yan, pipiliin mo pa ring isuot ang paborito mong pambahay.

Yes, ang drama ko na.

Mami-miss ko ang mga gawa mo, Miyazaki. Sana makapunta ako ng Japan (o sana makapunta ka ng Pilipinas) para mapasalamatan kita. Isa ka sa mga nagpapanatiling bata ng puso ko. Arigato!

And, sayonara.