Choosy Pursigido

by Sankage Steno

Nililibang ko ang sarili kanina habang nakasakay sa ordinary bus papasok ng trabaho. Napakatrapik, as usual, at usad-pagong ang mga sasakyan sa EDSA, as usual, mula GMA-Kamuning hanggang God-knows-where. Wala akong choice kundi magmuni-muni na lang habang naghihintay na gumalaw.

Noong nasa flyover na kami sa Kamuning, nakatingin ako du’n sa mga pulu-pulupot na kable ng kuryenteng nakakabit sa mga poste sa gilid ng kalsada. Tapos may nakita akong kakaibang pangyayari.

Well, hindi naman talaga s’ya kakaiba, pero natuwa ako sa nakita ko, at malaking bagay ‘yon dahil andaling painitin ang ulo kapag may mabigay na traffic.

Sa isang kable ng kuryente (o telepono, whatever), may isang mayang nakatayo roon mag-isa. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa nito. Siguro pinapanood n’ya kaming mga tao habang nagpapakahirap sa gitna ng traffic. Siguro e namamahinga lang s’ya bago lumipad para maghanap ng pagkain. Pwede rin namang hinihintay n’ya ang kanyang asawa. Malay natin.

Maya-maya, may mayang (no pun intended) dumating at lumipad malapit du’n sa nakatambay na ibon sa kable. Ang nakakatawa, ‘yung naunang maya e umusad papalayo du’n sa bagong dating. Ang ginawa naman nitong huli, umusad din s’ya papalapit sa isang maya. Ang ginawa ulit nu’ng una, umusad na naman palayo.

Nakailang usad-iwas, usad-lapit ‘yung dalawang maya sa kable ng kuryente.

Sa loob-loob ko, pakipot naman masyado nu’ng isang ibon. ‘Yung sunud naman nang sunod, sobrang pursigido. Go lang nang go! Nakakatuwa silang panoorin. Medyo naka-relate din tuloy ako, hindi lang sa isa pero sa parehong ibon. Yes, me already.

Iba talaga ‘pag walang magawa sa buhay.

Anyway, naka-relate ako sa unang ibon kasi parang ganu’n ako. Hindi naman sa pakipot. Arte ko naman. Choosy na lang. Mas acceptable sa ‘kin ‘yung term na ‘yun. So, ayan, choosy ako, kaya siguro bokya pa rin ang lovelife ko. Puro crush-crush lang na hindi matuluy-tuloy sa seryosong relasyon. Kung bakit naman kasi antaas-taas ng standards ko. Ang hirap namang ibaba.

Naka-relate din ako sa pangalawang maya kasi ‘pag may natipuhan ako, syempre pursigido, go lang nang go. E nagkakataong ‘yung mga pinopormahan ko e hindi rin ako gusto. Unrequited ba. Ayun, e di bokya pa rin. Olats. Zero.  Kainis. Binubwisit ko lang lalo ang sarili ko.

At talagang andami ko nang naisip dahil lang sa dalawang maya na ‘yun. Funneh.

Teka, saglit. Nakita ko ‘yung crush ko. Popormahan ko lang.

https://i1.wp.com/www.sxc.hu/pic/m/f/fa/falk1984/457531_maya_bird.jpg