Superman Syndrome

by Sankage Steno

Panganay kang anak. Nagpapakahirap kang makatapos ng pag-aaral para makatulong sa pamilya. Nu’ng nagtatrabaho ka na, hindi ka makapag-ipon dahil halos lahat ng kita mo ay napupunta sa pagbibigay sa iyong mga magulang at mga kapatid.

Isa kang nanay o tatay na namamasukan sa isang malaking kumpanya. Kahit anong laki pa ng sweldo mo, hindi tumataas sa P10,000 ang savings mo sa bangko. Gumagastos ka para sa pamilya mo at nagbibigay pa rin sa iyong mga magulang. Wala nang natitira halos sa sweldo mo para makaipon.

OFW ka. Nagpapakahirap kang magtrabaho sa ibang bansa para makatulong sa pamilya. Kahit malayo sa mga mahal sa buhay, nagtitiis ka para sa kanila. Bukod pa riyan, pinapaaral mo rin ang iyong mga kapatid, pamangkin o pinsan, at tumutulong pa sa napakarami mong kamag-anak.

Tulung ka nang tulong sa ibang tao, pero nu’ng dumating na ang panahong ikaw na ang nangangailangan, walang tumulong sa ‘yo.

Ito ang tinatawag na Superman Syndrome.

Nakuha ko ang ideyang ‘yan sa isang personal finance coach na nakapanayam ko kanina. Para akong binuhusan ng tubig sa mga narinig ko kasi sobrang naka-relate ako. At hindi lang ako, kundi halos lahat ng Pilipino ay nasa ganitong sitwasyon. Kayod ka nang kayod at natutulungan mo ang lahat maliban sa sarili.

Wala namang masamang tumulong. Ang nangyayari lang kadalasan, ‘yung mga sinusuportahan mo e masyadong nagiging dependent sa ‘yo. Sa ‘yo lahat nakaasa. Nagkakaroon ng culture of dependency at entitlement na tinatawag. Sa halip na matuto silang kumita para sa sarili, umaasa sila sa ‘yo dahil ikaw ang may pera, ikaw ang may kakayahan at ikaw ang nagpapaubaya.

Martir.

Ang mindset kasi ng Pinoy, pag-aaralin ng magulang ang anak para paglaki nito, magkakaroon ng trabaho, kikita at makakatulong sa pamilya. Kapag tumanda na ang magulang, ‘yung anak na ang mag-aalaga sa kanila physically and financially.

Ang problema, nagkakaroon din ng sariling pamilya ang anak. Bukod sa ginagastusan n’ya ang sariling pamilya, obligado pa s’yang magbigay o tumulong sa sariling mga magulang. Ang iba pa nga, nagbibigay rin sa iba pang mga kamag-anak. Ipit sila sa two sets of dependents.

Sila ang tinatawag ngayon na sandwich generation.

Nagiging cycle o paulit-ulit ang ganitong pangyayari kasi, kadalasan, yung magiging anak nila e aasahan din nilang magtrabaho para sa kanila. Tapos ‘yung anak nu’ng anak nila, ganu’n din. Wala nang katapusan pagsuporta sa magulang/kamag-anak at sa sariling pamilya.

Ang solusyon, dapat magkaroon ng limitasyon. Sometimes, you just have to say “No!”

Sa Tagalog, kailangan mo minsang magsabi ng “HINDI PWEDE!

This is also called tough love. Huwag kang magbigay kung hindi naman talaga emergency need. Bawasan ang gastusin sa entertainment (gadgets, gimik, etc.). Mag-impok. Kapag nakaipon na ng malaki, mag-invest. Ilagay sa stock market o magsimula ng negosyo. Pero hindi ganu’n kasimple ‘yun, syempre.

There’s no shortcut to wealth.

May proseso ‘yan, at ‘yun ang gusto kong matutuhan at maisabuhay.