Earn More, Spend Less

by Sankage Steno

Isa sa pinakamahirap gawin sa buhay ng mga nagtatrabaho na e ‘yung mag-impok ng pera. Kahit ako mismo na lumaki sa pag-iipon sa bangko at sa alkansya e sobrang nahihirapan ngayong magtabi ng salapi mula sa sweldo at hindi gamitin. Sasabihin ko ang mga dahilan kung bakit.

Una, mahilig akong mag-travel. Syempre, kapag nagpupunta sa malalayong lugar, marami kang babayaran bukod pa sa pamasahe. Andyan ‘yung bahay na tutuluyan, pagkain, entrance fees, tour guide fee, pambili ng pasablubong o souvenir, etc. Although hindi ko naman pinagsisisihan ang mga travel ko, isa pa rin ‘tong dahilan kaya di ako makaipon.

Pangalawa, maraming binabayaran. Hindi ako mahilig magbibili ng gadgets, thank God. Pero kahit di nauubos ang pera ko sa pagbili ng smartphone o tablet o computer, nauubos naman s’ya sa pagbabayad ng rent, utilities, cellphone load, food and transpo. Hindi na kasi ako student, so wala nang regular supply ng allowance. Independent na ‘ko sa buhay, meaning, hindi na humihingi sa magulang, which leads me to…

Pangatlo, humihingi ang magulang. Kultura na nating mga Pilipino ang suportahan ang magulang at mga kapatid (pati ibang kamag-anak) kahit pa masama na minsan kasi nagiging palaasa sila sa ‘yo. Hindi ko rin naman matiis na hindi magbigay kasi nakakakonsensya at nakakaawa. Itong utang na loob na ito ang madalas nakakasira sa planong mag-ipon at mag-invest.

Pang-apat, may mga emergency. Hindi mo naman maiiwasan ang magkasakit kung minsan o ‘yung masira ang ginagamit mong computer o (‘wag naman sana) mamatayan ng mahal sa buhay o (‘wag naman sana ulit) masunugan ng bahay. Pa’no naman ako makakapag-ipon kung ubos lagi ang pera sa ganitong mga gastos?

Panlima, libangan. Ang hirap namang magtrabaho kung hindi mo nae-enjoy ang sweldo mo. Kaya, ayun, minsan napupunta sa sinehan o sa mamahaling restaurant ‘yung kinikita ko. Hindi naman masamang gawin ‘to paminsan-minsan, pero kasi ‘pag nagkakayayaan ang magkakaibigan, nape-pressure akong gumastos.

Ang natutunan kong solusyon ngayon e bawasan ang gastos sa libangan at sa travel. Sa halip na every payday manonood ng sine, mag-download na lang o bumili ng pirated. BIRO LANG! Gawin na lang once a month o every other month.

Tungkol naman sa pagbibigay sa pamilya, minsan, kailangang pairalin ang tough love. Minsan, kinakailangan talagang magsabi ng “Hindi po pwede.” Tungkulin kasi ng mga magulang na palakihin ka, pero hindi mo naman talaga tungkuling sustentuhan sila hanggang sa pagtanda. Kaya ka lang ba nag-aanak e para may mag-alaga at magsustento sa ‘yo pagtanda? Napaka-selfish naman.

Finally, para lalong gumanda ang pasok ng pera at makapag-ipon, dapat kumita ng malaking halaga. Humanap ng magandang trabaho, magnegosyo, rumaket o magtayo ng sariling NGO at dito padaanin ang pork barrel (BIRO LANG ULIT!). Kahit ano pa basta dapat malinis at legal. Idagdag pa rito ang huwag paggastos sa di mahahalagang bagay. Sure akong makakaipon din ako at makakapag-invest in the near future.