At Least Nag-sorry

by Sankage Steno

Nakakahiya talaga ‘yung ginawa ni Mark Joseph Solis. Naturingan pa man ding UP student. Well, hindi naman nga pala nagkukulang ng mga magnanakaw at mandaraya sa unibersidad na ‘to. Just think of all the politicians na nag-aral dito. I’m sure marami sa kanila ang nakinabang sa pork barrel at nag-plagiarize.

Sa mga walang ideya sa sinasabi ko, si Mark e nanalo sa photo contest ng Chilean Embassy gamit ang isang larawang hindi naman talaga s’ya ang kumuha. Nag-plagiarize s’ya. In other words, ninakaw n’ya ‘yung gawa ng ibang tao, inangkin at pinagkakitaan pa. O di ba, the nerve?

Pero hindi na ‘ko dadagdag pa sa haters ni Mark. Marami nang gumagawa nu’n as of this writing. For sure, sising-sisi na s’ya ngayon sa katarantaduhan n’ya. So young, so... Never mind. Magfo-focus na lang ako sa isang magandang bagay na ginawa n’ya na hindi ginagawa ng ibang taong nagkakamali. At iyon ay ang humingi ng patawad o paumanhin.

In fairness kay Mark, nu’ng nahuli s’ya ng original owner ng photo na plinagiarize n’ya, hindi na s’ya nagmaang-maangan pa. Hindi na n’ya pinagtakpan ang sarili sa panibagong mga kasinungalingan. Umamin s’ya na ninakaw nga n’ya ang larawan ni Gregory John Smith at saka s’ya naman nag-apologize.

Sa isang banda, baka hindi s’ya humingi ng dispensa kung hindi s’ya nahuli. Posible ‘yun. Pero let’s not go into that. Ang mahalaga for me, nag-apologize s’ya. Malaking bagay ‘to kasi hindi naman lahat ng nabubuko sa ‘tin ay umaamin at humihingi ng patawad. Just think of Tito Sotto o ‘yung sangkatutak na congressmen na sangkot sa pork barrel scam. Idagdag mo pa si Janet Napoles, pati ‘yung anak n’yang si Jeane na ansarap sipain nang padakot.

Ang kakapal ng mukha nila. Alam mo ‘yung huling-huli na ngang nag-plagiarize, magdadahilan pa. Ipaglalaban pa ‘yung mali nilang ginawa. As for the politician and Napoles, totoong hindi pa napapatunayan na nagnakaw nga sila. Pero naman! Sa dami ng kurakot sa ‘tin, may nag-apologize ba?

‘Yung pamilya nga ni Marcos di pa rin humihingi ng tawad hanggang ngayon dahil sa mga ginawa nila nu’ng Martial Law years.

So I’ll give Mark one less sipang padakot, no, make it two. Kung nu’ng una e gusto ko s’yang sipain nang four times, two times na lang ngayon.

Hindi ko alam kung ano ‘yung pumasok sa isip n’ya para gawin ‘yon, at I’m sure na hiyang-hiya na s’ya sa ginawa n’ya. Pwede rin kasing bawiin ng UP ang diploma n’ya at tanggalin s’ya ngayon sa Master’s degree program. Gudlak. Siguro mahigpit lang talaga ang pangangailangan n’ya. O baka inisip n’ya na gaya ni Sotto, mapapalampas n’ya ‘to nang ganu’n lang kadali.

Alam kong alam n’yang nagkakamali s’ya.

Heto nga pala ‘yung larawang ninakaw ni Mark. Ninakaw ko rin sa kung saang site, pero nilagay ko naman ‘yung source. Naka-hotlink s’ya at makikita mo rin ‘yung link kapag pinoint mo ‘yung pointer mo sa photo. Hindi ko rin s’ya inaangkin. Hindi ako nagpaalam sa may-ari pero ilalagay ko ‘yung pangalan n’ya ulit dito. Photo credit: Gregory John Smith.

Ayan, semi-plagiarism na lang ‘yung ginawa ko. Kainis talaga mga taga-UP! Buti nga talo sa cheerdance.