Bonding Na, Business Pa

by Sankage Steno

Konti na lang at sasabog na ‘yung utak ko. Baka any-any e pulutin ko na sa sahig ‘yung tidbits of gray matter mula sa bungo ko. Kanina pa kasi ako nag-iisip ng pwedeng libangan at negosyo at the same time na maaari kong gawin kasama ang mga kapatid ko.

Tuwing umuuwi kasi ako sa amin ‘pag weekend, libangan namin madalas ang pumunta sa SM para maglaro sa Tom’s World o manood ng sine. Syempre bukod sa paglalaro at panonood, hindi pwedeng hindi kami kakain n’yan. Idagdag mo pa ‘yung pamasahe, e di ubos na agad ‘yung sweldo ko.

Ayoko naman ng ganu’n palagi. Saka gusto ko ring turuan ‘yung bunso kong kapatid na alisin ang employee mentality at maging business-oriented na tao. Ayoko s’yang matulad sa ‘kin o sa mga magulang at kamag-anak namin. Hindi ko naman sinasabing masamang maging empleyado, pero mas okay sana kung may sarili kang negosyo.

Ayun, kaya panay ang pangungulta ko sa utak ko para umisip ng bagong paraan para makipag-bonding sa mga kapatid ko nang hindi gumagastos nang malaki. Kung gagastos man ako o kami, dapat e may balik ding pera. Of course, dapat enjoy s’yang gawin at hindi ‘yung ikasasakit pa ng ulo namin or, worse, mag-away-away pa kami.

So nag-Google ako ng kung anu-ano at kung anu-ano rin naman ang mga nakuha ko mula sa Internet. Narito ang ilan sa mga suggestions na nahanap ko:

  • Magbenta ng kung anik-anik sa eBay o sulit.com.ph
  • Magsagawa ng garage sale
  • Gumawa ng greeting cards at ibenta
  • Start a catering services (‘Yung totoo?)
  • Become a professional organizer (I doubt it.)
  • Mag-alaga ng matatanda
  • Maging tagalinis ng garahe ng kapitbahay
  • Maging tagapinta ng bahay
  • Magtanim at ibenta ang ani (Farmville)
  • Mag-bake
  • Magtayo ng tutoring service
  • Acting (‘Yun naman pala e.)

Hindi ko alam kung alin sa mga ‘yan ang malilibang kaming gawin. Parang wala.

Nu’ng bata ako, ang negosyo ko noon e palabunutan. Bumibili si papa ng palabunutan sa Divisoria, ta’s ako ‘yung maglalako. Minsan nilalako ko sa mga kapitbahay ko, pero nu’ng “lumago” na s’ya, sinasabit ko na lang sa may bakod namin at kusa nang dumarating ‘yung mga gustong “magsugal.”

Gusto kong mai-share sa mga kapatid ko ‘yung saya ng pakikisalamuha sa iba, lalo na ‘yung tumanggap ng pera o kita mula sa isang bagay na pinagpaguran mo.Β Kaya hihingi sana ako ng tulong sa mga readers ko kung anong pwedeng libangan-slash-negosyo ang pwede naming gawin. Baka may idea ka, share mo naman.

Salamat!