Ang Ikli Naman Ng Buhay

by Sankage Steno

Isa sa paborito at kinaiinisan kong libangan nu’ng bata pa lang ako e ‘yung daydreaming tungkol sa “philosophical” questions/musings.

Halimbawa, makikipaghabulan ako sa mga kalaro ko. Tapos kapag napagod ako o kaya naman e natapos na ‘yung laro, mauupo ako sa isang bato at mapapatulala sa isa pang bato o halaman o ibon. Tapos lilipad na ‘yung isip ko sa kung saan. Karaniwan kong maiisip e kapag namatay na ako.

Tatanungin ko ‘yung sarili ko kung ano mangyayari sa ‘kin kung sakaling mapunta ako sa langit. Anong gagawin ko du’n forever? Di ba boring na ‘yung forever? Anong mangyayari sa ‘kin forever? Imagine, walang katapusang buhay? Sa kaiisip nito, ako na mismo ang susuko, malulula at matatakot sa sariling kagagawan. It was a lot to take in.

Minsan naman, kapag walang magawa sa tanghali, uupo lang ulit ako sa kung saan, tapos tatanawin ko ‘yung mga ulap o ‘yung bughaw na langit. Tapos nu’n, lulutang na naman ‘yung isip ko. Maiisip ko naman kung ga’no kalaki ‘yung mundo, pati na rin ‘yung araw at ‘yung buong solar system. Maiisip ko rin kung ga’no kalawak ang buong universe.

Sa sobrang layo ng nilipad ng utak ko, ako na mismo ang mababaliw sa kaiisip na sobrang laki ng kalawakan at sobrang liit ko. Lagi kong kinukumpara noon ang sarili ko sa isang langgam na nasa lupa. Walang-wala ako kumpara sa napakalawak na universe.

Wala. Sasabog na ‘yung utak ko nu’n at masisira ang mood. Siraulo ko rin, ‘no?

Minsan din, kapag nagde-daydream, maiisip ko na napaikli lang talaga ng buhay ng tao, ng buhay ko. Na kahit anong oras e pwede akong mamatay. Kahit malusog ako, pwede akong maaksidente o mabagsakan ng eroplano. Favorite kong example noon ‘yung mababagsakan ng eroplano sa bahay kasi fascination ko dati ang pagsigaw kapag may dumadaang eroplano sa airspace namin.

At dahil nga sobrang ikli lang ng buhay ko, sobrang liit ko sa sanlibutan at ayoko sa konsepto ng forever and ever, Amen, nasisiraan ako ng bait minsan. Not to the extent naman na nagiging salot ako ng lipunan. Parang sariling war ko lang sa loob ng isip. Magulo. Masama. Pero wala namang saysay kung tutuusin.

Hanggang ngayon nagagawa ko pa rin ‘tong bisyo na ‘to. Kagabi lang, habang nasa Jollibee kasama ang dalawa kong kaibigan, bigla ko na namang naisip ‘yung konsepto ng buhay ng tao. Na kung mamamatay ako, kahit ga’no pa ‘ko kasikat o kahit ga’no pa kalaki ang naiambag ko sa mundo, makakalimutan at maglalaho rin ako eventually, physically and in memory. Lahat magmu-move on. Tuloy pa rin ang buhay.

Kaya minsan, kapag naiisip ko ‘tong mga bagay na ‘to, andali-dali para sa ‘king gawin ang gusto kong gawin. Pakialam ba ng ibang tao sa buhay ko, di ba? Siguro ganito rin ang naiisip ng mga masasamang tao sa mundo. Na tutal maikli lang naman ang buhay at puwing lang ako sa mata ng universe, magpapakasarap na lang ako. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba. Parang ganyan.

Am I a potential hedonistic calculus criminal?

Image